Walang kamatayan

Tapos na tapos na – buwan ng Pebrero

nasa kalahati na ang buwan ng Marso;

Di dapat limutin na sa buwang ito –

ang P. Star NGAYON – may anibersaryo!

Marso 17 ang natanging araw –

isang taong singkad matuling nagdaan;

Magsasayang muli – Pilipino STAR

pagka’t lahat dito’y masigla ang buhay!

At ang selebrasyon ngayong Lunes gagawin –

Marso 19 na siyang simula ng mga gawain;

Para buong linggo masarap isiping

ang tuwa at sipag laging magkapiling!

Sa tuwing may party, dito ay kasama

publisher, editor, marami pang iba;

May simpleng kainan lahat maligaya

sa tuwa at hapis ay nagkakaisa!

26 taon na itong peryodiko

nagbibigay tuwa sa lahat ng tao;

Bagama’t tabloid lang ay mayaman ito

sa mga lathalang dangal Pilipino!

Ang mga reporter at section editors

pati mga pressman, workers at janitors

Sila ri’y kabilang pagka’t taun-taon

dapat ay magsaya sa araw na iyon!

Kaya dito ngayon lahat ng kawani

sa araw na ito’y nagdarasal lagi;

Panalangin nila’y higit pang bumuti –

kabuhayan nila habang nagsisilbi!

Nasa pangasiwaan – mga taong tapat

ang kita ng dyaryo ay para sa lahat;

Kaya tumpak lamang sila’y pasalamat

sa mga biyayang katapat ng hirap!

Sa mga biyayang tinatanggap nila

mga manggagawa ay laging masaya

Kaya dasal pa ring magpatuloy sana –

pag-unlad ng dyaryong sila ay kasama!

At sa nakikitang pagtulong ng STAR

sa mga nilindol at saka landslides;

Sakuna sa bansa ay napapagaan –

kaya peryodiko’y ‘walang kamatayan’!

Show comments