High education, low cost
SA dumadagsang bilang ng nais mag-abogado, top 3 pa rin sa mga aplikante ang triumvirate ng Ateneo, San Beda at U.P. Tama lang naman dahil kung titingnan ang bar passing rate nitong tatlong “higante” ng legal education, milya-milya ang agwat sa mga sumusunod na eskuwelahan. Halimbawa na lang itong nakalipas na 10 year period (2001-2010), nasa high 80s ang porsiyento ng Ateneo, mid 80s ang San Beda at low 80s ang U.P. Ang sumunod na eskwelahan ay nasa mid hanggang low 60s na ang rating.
Hindi matatawaran ang abilidad ng tinatawag na traditional na powerhouse Law Schools dahil, una sa lahat, sila ang first choice ng mga aplikante kung kaya sila rin bale ang may first choice sa mayorya ng nais mag-abogado. Dahil din nakakasiguro na mapupuno ang kapasidad nila taun-taon, hindi rin sila nagkukulang ng pondo upang makaakit ng pinakamagagaling na Dean at propesor at makapagbigay ng magandang pasilidad sa estudyante. At sa dami ng pinoprodyus na gradweyt, lumalakas nang husto ang alumni association na tumutulong upang lalong mapaganda ang kalidad ng edukasyon ng eskwelahan.
Ang kapalit ng de kalibreng edukasyon na ito ay, siyempre, ang halagang babayaran. Para sa isang Ateneo, San Beda at maging ang U.P. legal education, kaila-ngan mong gumastos. Sa totoo lang, mahal talaga ang matrikula ng abogasya. Kaya maging ang ibang private universities na may mahabang tradisyon sa pagtuturo ng batas ay naniningil din ng halos kasing taas ng Top 3 schools. Marami tuloy na gustong makapag-aral ng law na mayroon namang talino at dedikasyon ay napapatigil dahil hindi kayang tustusan ang kinakailangang gastos.
Sa mga ganitong pinagkaitan ng pagkakataon itinatag ng Lungsod ng Maynila ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Law upang makapagbigay ng quality legal education na abot kaya. Buhos ang suporta ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Atty. Alfredo S. Lim at ng Pangulo ng PLM na si Atty. Rafaelito Garayblas sa PLM College of Law. Ito’y upang higit na dumami ang produkto nitong mga abogado na maglilingkod din sa bayan at bansang nagpaaral sa kanila.
Sa nakaraang 5 year period, ang passing percentage ng PLM College of Law ay sapat upang makuha ang panglimang puwesto sa ranking ng Metro Manila Law Schools.
- Latest
- Trending