KAKAIBANG shabu tiangge ang tampok at mapapa- nood sa BITAG mamayang gabi sa TV5.
Mahigit 200 operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang lumusob at winalis ang mga nasa likod ng bentahan at gamitan ng iligal na droga sa Biñan, Laguna.
Ang kakaiba sa target na lugar, bantog sila sa kanilang promo na “Tira now, pay later”, maisakatuparan lamang ang iligal na gawain.
Ayon sa intelligence ng PDEA, ang Barangay Canlalay sa Biñan Laguna na tinaguriang shabu tiangge ay mahirap na pamayanan lamang.
Mala-squatter’s area at walang hanapbuhay ang mga tao rito. Dikit-dikit ang mga bahay, lahat ng tao ay magkakakilala, naging delikado ito sa mga undercover agents ng PDEA na i-penetrate ang lugar.
Dahil walang kabuhayan ang mga tao, ang pinagkakakitaan ng mga residente rito ay pagtutulak at pagbebenta ng shabu sa mga karatig-barangay nito.
Alam ng bawat residente ang mga personalidad sa likod ng bentahan, dahil kung sino yung mga “user” ay sila ring mga tulak.
Unang pagkakataon ito para pasukin ng PDEA ang mapanganib na target na lugar. Kaya sinigurado ng PDEA na liyamado sila sa labang ito.
Nagsanib puwersa ang PDEA Region IV-A, PDEA-Academy at PDEA Special Enforcement Services, umabot sa higit 200 operatiba ang ikinasa sa operasyong ito.
Eksklusibong ang BITAG muli ang napili ng PDEA na magdokumento sa operasyong ito.
Maaksiyon, mapanganib at umaatikabo. Panoorin mamayang hatinggabi pagkatapos ng Pilipinas News sa TV5.