PABORITO ng drug syndicate ang Pilipinas na bagsakan ng kanilang shabu. Matibay pa rin ang kanilang akala na madaling nalulusutan ang awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang akala, kapag nahuli, puwedeng tapalan ng pera ang mga Custom officer na naka-duty sa airport. Noon iyon. Ngayon ay iba na. Tuwid na daan na ang nilalandas ng mga taga-Customs, batay na rin sa binitiwang pangako ni Customs Commissioner Rufino Biazon.
At tila nga totoo ang pangako sapagkat sunud-sunod ang pagkakahuli sa mga foreigner na may bitbit na illegal na droga. Hindi nakalusot sa mapanuring mata ng mga Customs official ang shabu na nasa baggage ng foreigner. Ngayong buwan na ito, apat na African nationals na ang nadadakma sa NAIA dahil sa pagdadala ng shabu sa bansa.
Unang nahuli ang mag-asawang Kenyan na sina Joseph Kyeremating at Solemana Hamshawww. Nakuha sa kanilang apat na baggage ang ilang kilo ng shabu. Makalipas lamang ang ilang oras, isang Guinea national na nakilalang si Aisah Camara ang nahulihan ng 2.7 kilos ng shabu na may street value na P17-million. Buntis pa ang nasabing drug courier.
Noong Marso 3, nahulihan ng 4.5 kilos ng shabu ang Ugandan national na si Josephine Balikuddembe. May halagang P22.5 million ang shabu. Noong Pebrero 27, nahuli sa Kenyan na si Lina Aching Noah ang 9.3 kilos ng shabu na may street value na P45-million.
Malalakas ang loob ng mga miyembro ng African syndicate na magpasok ng droga sa bansa sapagkat akala nila, tutulug-tulog pa ang mga taga-Customs. Akala nila katulad pa noon na madaling tapalan ng pera. Akala nila matatakasan ang mga awtoridad sapagkat isa sa mga bulok na airport ang NAIA. Nagkamali sila.
Sana, magpatuloy pa ang nasimulan ng taga-Customs sa NAIA na mahusay na paghalughog sa mga bagahe ng African nationals. Huwag ha-yaang makapasok ang shabu na sumisira sa ulo ng mga nakagamit nito. Iligtas ang kabataan sa salot na shabu. Hindi dapat manatili sa isipan ng mga sindikato ng droga na santuwaryo nila ang Pilipinas kaya dito dinadala.