Lawyers Lesson

CONGRATULATIONS sa 1,913 na bagong abogado at sa kanilang dakilang mga family support groups. Ang 31.93 National passing percentage ang pangalawang pinakamataas na resulta ng milenyo kasunod ng 32.89% sa 2001. Special mention siyempre ang magigiting na iskolar ng bayan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Law na nakatala rin ng highest nitong overall passing percentage ng milenyo na 56.7%. Sa Marso 21, magkikita ang bagong mga panyero sa PICC kung saan panunumpaan nila ang lawyer’s oath sa harap ni Chief Justice Renato C. Corona at ng buong Supreme Court.

Kung na-excite ang legal community sa paglabas ng matagal nang hinihintay na resulta ng bar exams, naging exciting din ang biglang kumprontasyon na namagitan kina Senator Judge Miriam Defensor-Santiago at sa isang miyembro ng prosecution panel. Kitang-kita sa TV ang hayagan nitong pagtakip ng taynga habang nagsasalita si Sen. Miriam, isang malinaw na kawalan ng respeto sa Hukuman. At nang pinagbigyan itong ipaliwanag ang sarili, sa halip na humingi ng paumanhin ay lalo pa nitong pinalabas ng walang pakundangan ang sentimyento laban sa Senadora.

Anuman ang ikli ng pisi, walang-wala sa lugar na gamitin ang mahalagang oras ng Hukuman upang magbuntong ng nadaramang galit. Iba-iba ang haba ng pasensya ng tao. Hindi ito dapat problemahin ng Korte dahil kung meron mang dapat makibagay, ito ay ang abogado na bisita lamang sa “pamamahay” ng hukom.

Kung sumobra si Senadora, mali rin ito subalit sagutin na niya iyon sa mata ng bansang nagluklok sa kanya sa puwesto. Gayunpaman, hindi maikakaila na ang lahat ng bitiwan nitong pananalita, masakit man sa taynga o hindi, ay tungkol sa usaping hinaharap ng Impeachment Court.

Its all about the case, student.

Sa ginawa ng private prosecutor na pagdadabog sa harapan ng hukuman, imbes na ituon ang focus sa mga isyu ay inagaw nito ang spotlight at tinutok sa kanyang sarili. Sa halip na its all about the case, ginawa niyang its all about me.

Ang sinumpaang tungkulin ng abogado ay ang ipaglaban ang interes ng kanyang kliyente at hindi ang sarili nitong interes. Lesson 1 para sa lahat ng bago kong panyero!

Show comments