DAHIL sa impeachment trial kay Chief Justice Corona, maraming importanteng isyu ang natatabunan at di napag-uukulan ng pansin kahit ang direktang apektado ay ang ating mga kababayan. Kung hindi pa lumindol nang malakas sa Central Visayas ay hindi pa nalihis sa impeachment ang isyu.
Pagbukas ko ng aking Facebook account kahapon, may isang nagpadala ng message sa akin. Isang health worker na nagngangalang Sean Herbert Velchez (Re-gistered Nurse) ng Philippine Orthepedic Center. Heto ang nilalaman ng mensahe”
Magandang umaga po. May malaking issue po kasi sa mga Department of Health retained hospitals regarding a memo issued by Assistant Secretary Nemesio Gako of DOH. Binawasan po ng almost 700 pesos ang monthly subsistence allowance namin at yung laundry allowance din namin ay bawas na. Nanganganib din pong mawala yung aming mga hazard pay at longevity pay.
These benefits are stipulated under the Magna Carta of Public Health Workers. Nag- lightning rally na po kami sa DOH at DBM at every week po ay nagno-noise barrage po kami sa ibat ibang hospitals, kaso di napipick up ng mainstream media dahil na rin po siguro sa impeachment at sa lindol .
Kami na nga po ang nagsasakripisyo para makapag- lingkod sa mga maysakit, kami pa ang pinupuntirya ng pa-mahalaan ni Pangulong Aquino. We need help po. salamat.
— Sean Herbert Velchez R.N.
Philippine Orthopedic Center
Needless to say, napaka-importante ng serbisyong pangkalusagan sa mga mamamayan at kailangan ang serbisyo ng mga health workers lalu na sa mga liblib na kanayunan. Partikular pa itong nagiging importante sa panahon ng kalamidad upang saklolohan ang mga biktima.
Sana, ang mensaheng ito ay pag-ukulan ng kahit kaunting pansin ng gobyerno para hindi mapabayaan ang pangangalaga sa kalusugan ng lahat ng mamamayan.
Papaano na lang kung mawawala ang mga manggagawang pangkalusugan ng gobyerno?
Tiyak ang magdurusa ay ang mamamayan.