HINDI naging mahirap sa BITAG na tugisin ang mga pulis na inirereklamo ng buntis na biktima ng illegal arrest at body search ng Special Anti-Illegal Drugs ng Presinto Dose sa Eastwood Libis, Quezon City.
Nagawang magtago ng pinuno ng SAID na si Insp. Ramon Castillo bago pa dumating ang BITAG. Si Insp. Castillo raw ang lider ng isinagawang drug operation kuno sa Muntinlupa kung saan dinukot ang biktima.
Subalit hindi na naman pala namin siya kailangang makaharap pa, dahil ang malaking isda nasa mismong opisina ng istasyon. Si Col. Zacarias Villegas na hepe ng presinto dose.
Inamin ni hepe na pirmado niya ang pre-operational plan ng kanyang mga tauhan na nagsagawa ng drug raid sa Muntinlupa. Isang alyas Gloria raw ang target ng kanyang mga tao.
Alam din niya na nahuli ang biktimang buntis at dinala sa conference room sa kanya mismong opisina, nakita niya pa ito na umiiyak kasama ang dalawang taong gulang na anak.
Ang siste, ni hindi man lang nag-usisa si hepe kung tamang subject ba ang kinuha ng kanyang mga tao.
Dagdag dito, wala sa blotter report ang panghuhuling ginawa ng mga operatiba ng SAID sa biktima.
Kung procedural ang pag-uusapan, lahat, nilabag ng mga inirereklamong pulis. Sa pre-operational pa lamang, wala silang koordinasyon sa police station ng Muntinlupa.
Sa pag-body-search sa biktima, iligal rin ang pagsasagawa nito. Malinaw sa batas na tanging mga arestadong suspek lamang na may kaso ang dapat sumailalim dito.
Lahat ito, inamin ni Col. Villegas sa harap ng aming camera na mali ang ginawa ng kanyang mga tao!
Dahil sa isyung command responsibility, harapan naming pinagbitaw si Col.Villegas sa kanyang puwesto bilang hepe ng presinto dose.
Agad pinaabot ng BITAG ang problemang ito sa tanggapan ni Philippine National Police Director Gen. Nicanor Bartolome.
Simbilis din ng kidlat ang pag-aksiyon ng kaniyang tanggapan sa pamamagitan ni Deputy Director Gen. Benjamin Belarmino.
Tinanggal na sa presinto dose ang mga sangkot na pulis SAID na sina Insp. Ramon Castillo, PO2 Charlie Escala, SPO3 Rocco Matic at mismong si Col. Zacarias Villegas.
Magsilbi sanang babala ang kasong ito sa iba!