Pinahihirapan ang mga negosyante sa Gen. Trias?
MAY bagong patakaran ang munisipyo ng General Trias, Cavite na inaalmahan ng mga negosyante roon. Dapat busisiin ito ni Cavite Gov. Junvic Remulla dahil sa tingin ng mga nagrereklamong negosyante, may bahid ito ng extortion. Sa ngayon na halos hindi makaahon ang ekonomiya, hindi dapat pahirapan ang mga negosyante. Dahil kapag sobra-sobra ang binabayaran nila, maaaring magsara sila at ang kanilang mga empleyado at pamilya ng mga ito ang kaawa-awa.
Natulala ang mga negosyante sa General Trias nang mag-renew sila ng permit para sa kanilang business. Kasi nga itinuro sila ng mga kausap nila na magkaroon muna ng certificate mula sa ACP Solid Waste Management Corporation na nagpapatakbo ng sanitary landfill na nasa Bgy. De Ocampo, Trece Martires City. Ito ang tinatawag ni Alex Penalba, ang president at general manager ng naturang landfill na accreditation for disposal. Ayon sa isang pahinang kasulatan ni Penalba, ang accreditation na nagkakahalaga ng P50,000 ay para makapagtapon ng basura sa naturang landfill mula Enero hanggang Disyembre, 2012. Maliban ito sa P4,000 na hauling fee. Ang mahal naman ng basura sa General Trias. Ano sa tingin mo Gov. Remulla, may anomalya kaya rito?
Sinabi ng mga kausap kong negosyante sa General Trias na si Penalba ay malapit na kamag-anak ng isang mataas na opisyal ng munisipyo. Si Penalba kaya ang utak ng raket na ito? Kasi nga dati-rati hindi naman nagbabayad ng ganitong certification mula sa landfill ang mga negosyante sa General Trias. Kapag sumulpot sila sa munisipyo, kaagad silang pinauuwi matapos makapagbayad ng permit para sa business nila. Inaalam pa ng mga negosyante na aking nakausap kung sa ibang siyudad at bayan ng Cavite ay pinaiiral ni Penalba ang simpleng raket niya. Sa sobrang dami raw ng binabayaran nila, ang certificate na nagkakahalaga ng P50,000 ay dagdag sa problema nila. Tinitiyak kasi ng mga negosyante na hindi kasama ang naturang raket sa “tuwid na daan” na ipinangako ni P-Noy. Pakibusisi mo nga ang reklamo ng mga negosyante Governor Remulla.
- Latest
- Trending















