SALNs ni Corona: Usaping teknikal

ISA sa sakdal kay impeached Chief Justice Renato Corona ang pagtago niya ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth. Ito umano ay paglabag sa Konstitusyon at pagkakanulo sa tiwala ng publiko. Saad sa Artikulo XI, Kapanagutan ng mga Pinunong Bayan, Seksiyon 17, na tungkulin ng taga-gobyerno na “magsumite ng pinanumpaang deklarasyon ng kanyang mga ari-arian, pananagutan at aktwal na kabuuang ari-arian.” Lahat ng mataas na opisyal tulad ng Pangulo, Bise, miyembro ng Gabinete, Kongreso o Kataas-Taasang Hukuman, dapat isiwalat ito sang-ayon sa batas.

Napalitaw ng congressmen-prosecutors ang SALNs ni Corona nu’ng 2002-2010, mula sa Supreme Court clerk. Gayundin ang halaga ng kanyang mga ari-arian, mula sa registers of deeds ng Quezon City, Taguig, at Makati. Kinumpara ng mga eksperto ang SALNs at deeds of sale. Lumalabas na pinaliit ni Corona ang mga halagang nakalista sa SALNs, kumpara sa deeds of sale:

Una, loteng 1,200 square meters sa mamahaling La Vista, Quezon City, na nilista sa SALN na P3 milyon, pero P16 milyon ang pagkakabili. Ikalawa, 303-sqm penthouse condo sa Bellagio Towers, The Fort, Taguig, nilistang halagang P6.8 milyon, miski binili nang P14.5 milyon. Ikatlo, condo sa Bonifacio Ridge, The Fort, nilistang P2.3 milyon, pero binili nang P9 milyon. Ikaapat, condo sa Burgundy Plaza, QC, nilistang P921,000, miski halagang P2.5 mil­yon. Ikalima, condo sa The Columns, Makati, nilistang P1.2 milyon, miski binili nang P3.5 milyon.

Katibayan ito ng katiwalian, anang prosecutors. Teka-teka, hiyaw ng defense, hindi naman katiwalian ang isinakdal niyo kay Corona. At nauwi ang pagtatalo sa teknikalidad: ano ba ang ikinakasong krimen?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments