WALANG awang pinatay ng mga pirata ang 15 mangingisda malapit sa Sibago Island sa Basilan noong Martes. Ngunit hindi iyon ang unang pangyayari na kinasasangkutan ng mga pirata lalo na sa karagatan ng Sabah/Borneo at maging sa Sulu at Celebes seas.
Hindi lang ang malupit na panahon ang kalaban ng ating mga mangingisda na kalimitan ay napapadpad sa ibayong karagatan na hindi na sakop ng Pilipinas. Andun yong kaba na sila ay mahuhuli ng Navy personnel ng Indonesia, Malaysia, Palau o di kaya’y Papua New Guinea dahil ang kasunod ay talagang makukulong sila.
At higit sa lahat ay kinatatakutan nila ang mga pirata dahil kung hindi nila maibibigay ang kanilang hinihingi ay agad-agarang pinapatay ang mga mangingisda at ninanakaw ang kanilang fishing vessels.
May isa ngang barko na lumayag sa kanyang maiden voyage galing Davao City noong 1990s na hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap. Dalawa sa may 20 mangingisdang galing Davao City ay nakitang lumulutang at patay na sa karagatan ng Lahad Datu sa Sabah, Malaysia. Ngunit ang iba at maging ang kanilang barko ay hindi pa rin mahagilap.
Malamang napalitan na ang pintura ng barkong galing Davao City at hindi lang talaga matukoy ano ang naging kapalaran ng iba pang mangingisdang kasama sa mga pumalaot.
Nakailang ulit na rin akong bumiyahe sa pagitan ng Zamboanga City at Sandakan sa Sabah sa pamamagitan ng barko o di kaya’y ng fast craft na dumadaang Tawi-Tawi.
At sa isa sa aking mga biyahe ay nakausap ko ang isang retired Malaysian Navy official na umaming ang mga naval personnel mismo ng Indonesia at Malaysia ang silang nasa likod ng pamimirata sa nasabing karagatan.
Kanya-kanya raw sila ng teritoryo. Kaya madalas na nag-aaway ang mga Malaysian at Indonesian naval personnel dahil nga sa kung sino ang hari sa kanilang lugar lalo na pag may bibiktimahin silang panibagong fishing o di kaya’y cargo vessel.
Naging malaking tulong din ang fuel subsidy na binibigay ng kani-kanilang pamahalaan para sa operasyon ng mga naval vessels nila. Kaya malaya at mabilis na makaikot-ikot ang kanilang mga navy sa karagatan ng Sabah at Borneo maging sa Celebes seas.
Ang bibilis nga ng mga sasakyang pandagat ng mga nasabing bansa kung ihambing sa ating Philippine Coast Guard at maging ng Philippine Navy. Kaya nga hindi natin mabantayan nang maayos ang mga pumapasok at lumalabas sa ating coastal areas dahil sa kakulangan ng equipment at sasakyang pandagat.
Kaya hindi na nakapagtataka na walang kasing-bangis, kasing-bilis at kasing-liksi ang mga pirata dahil ang mga nasa likod nila ay mismong mga nasa poder ng kapangyarihan.
Hindi na nga makuhang maawa ng mga piratang ito sa mga mangingisdang walang ibang hangad na makapaghain ng sapat na pagkain sa kani-kanilang hapag-kainan at nang sa gayun ay mabubuhay nila ang mga pamilya nila.