Editoryal - Mag-ingat sa pagtanggap ng aplikanteng pulis
HINDI dapat ipagwalambahala ang panawagan ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na suriin daw munang mabuti ang mga nag-aaplay para magpulis. Idaan daw muna sa background check bago tanggapin ang aplikante. Ito raw ay para makasiguro na ang kukuning aplikante ay walang “utak-kriminal’’. Kung masusuring mabuti, nakasisiguro na walang magiging bugok sa serbisyo. Sinabi pa ni NCRPO chief Director Alan Purisima na malaking problema kapag nasa police service na ang mga ‘‘utak-kriminal’’ sapagkat mahirap nang mabaklas dahil may pangil na at sungay.
Ang babala ni Purisima ay may kaugnayan sa pagkakasangkot ng isang baguhang pulis sa pagpatay sa isang Tsinoy businesswoman at pagkakasugat sa iba pa. Ang pulis ay nakilalang si Police Officer 1 Ernesto Binayug. Si Binayug ay pinsan ni Senior Insp. Joselito Binayug na na-videohan habang tino-torture ang isang suspect sa loob ng Asuncion Police precinct, Tondo, noong 2009.
Ayon kay Purisima, nag-isyu na ng shoot-to-kill order si Manila Mayor Alfredo Lim kay PO1 Binayug. Nakunan umano ng CCTV si Binayug na bumaril kay Heidi Hsu, kapatid nitong si Robert at ama na si Tony. Ito ay matapos ang bigong panghoholdap sa biktima.
Nararapat ang panawagan ni Purisima na idaan muna sa mahigpit na pagsusuri o imbestigasyon ang sinumang mag-aaplay na pulis. Nakakatakot kung ang pulis pala ay may “criminal minds” sapagkat nanganganib ang mamamayan. Pawang mga bagitong pulis ang gumagawa ng kasamaan at kung hindi magkakaroon nang mahigpit na pagpili sa aplikante, lalo pang tataas ang krimen. Kawawa naman ang mamamayan na umaasang ang mga pulis ang magsisilbi at magpoprotekta pero kabaliktaran na ngayon ay sasalakay pala sa kanila.
- Latest
- Trending