EKSAKTO ang paglabas ng report ng World Bank ukol sa maling paggamit ng ipinagkaloob nilang pondo sa Supreme Court sa nagaganap na impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona Jr. Ayon sa report ng WB, may iregularidad sa utilization ng $21.9 million loan na gagamitin para sa judicial reforms o ang Judicial Reform Support Project (JRSP). Ayon sa report, ang loan ay inaprubahan noon pang 2003 na ang layunin ay para madebelop ang Philippine judicial system at nang makabuo ng pagtitiwala ng publiko.
Natuklasan ng WB na 70 sa 133 transaksiyon ng SC para sa JRSP ay hindi kabilang sa dapat pondohan o ibig sabihin ay may iregularidad. Maraming procurements ang isinagawa na labag naman sa kautusan ng WB. Ayon pa sa WB, 15 sa mga transaksiyon ay na-traced sa court administrator. May mga transaksiyon umano na mismong ang Chief Justice ang nag-authorized at nag-apruba para sa disbursement ng halagang P200,000 hanggang P500,000.
Dahil sa iregularidad, agarang pinare-refund ng WB ang halagang $199,900 sa katapusan ng buwan na ito. Ganunman, nakahanap naman ng kakampi ang SC nang ideklara ng Commission on Audit (COA) na walang nangyaring anomalya sa utilization ng pondo mula sa WB. Wala raw iregularidad gaya ng report ng WB. Pero kahit pa nagpahayag ang COA na walang anomalya, matigas ang WB at hiniling na ibalik ang pondo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may natuklasang iregularidad ang WB kaugnay sa ipinagkakaloob nilang pondo sa Pilipinas. Ilang taon na ang nakararaan, sinuspinde ng WB ang pagbibigay ng pondo sa Pilipinas makaraang mabahiran ng anomalya ang bidding sa road projects. Nagbabala noon ang WB na hindi na sila magbibigay ng pondo hangga’t may nakikita silang corruption sa proyektong kanilang susuportahan.
Ngayong ang Chief Justice ay nahaharap sa impeachment at nakasabay pa ang alegasyon ng WB ukol sa maling paggamit ng pondo, lumalalim ang usapin ukol sa kanya. Ayon sa report, maaaring isama ng prosecutors ang ukol sa misuse ng WB funds sa ginaganap na impeachment.
Dapat na mahalukay ang isyung ito. Hindi dapat makalusot at imbestigahan para makita ang katotohanan.