BUHAY na buhay ang demokrasya sa bansang ito. Gumagalaw ang mga mambabatas at ipinakikitang kahit ang mga maimpluwensiyang tao ay maaaring isakdal o ma-impeached. Hindi kailanman nangyari ang ganito noong ang bansa ay pinamunuan ng diktador. Hindi uso ang pagsasakdal sapagkat gumamit ng kamay na bakal ang diktador at saka iginapos ang kamay at binusalan ang bibig ng mamamayan. Bawal lahat noon.
Pero ngayon, malayang-malaya sa pagpapahayag ang sinuman. Kahapon, isa na namang katibayan ng pagiging malaya ay nang simulan ang impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona. Maayos na nasimulan ang unang araw ng trial at sa takbo ng mga nangyari kahapon kung saan ay nagparamdam na ng init ang mga abogado ng Chief Justice, inaasahang sa mga susunod na trial ay magiging kapana-panabik ang argumento ng bawat panig.
Nagpakita na agad ng sigla ang mga abogado ni Corona na para bang handang-handa sila sa anumang laban na inihanda o iniisip ng mga mambabatas na nag-akyat ng kaso laban sa Chief Justice. Walang atrasan na nakikita sa mukha ng magkabilang panig kaya naman susubaybayan ang bawat trial hanggang matapos at malaman kung karapat-dapat nga ba sa puwesto si Corona.
Ito ang unang pagkakataon na makakapanood ang taumbayan ng impeachment trial laban sa isang Chief Justice. Unang nagkaroon ng impeachment trial noong Enero 16, 2001 kung saan inusig si da-ting President Joseph Estrada dahil sa pandaram-bong. Subalit maagang naputol ang impeachment dahil nag-walkout ang mga senador-judges. Nag-ugat ang pagwo-walkout nang manalo ang botong “No” para huwag buksan ang second envelope na naglalaman ng bank account umano na pag-aari ni Estrada.
Nabitin ang mamamayan at hindi na nalaman pa ang katotohanan. Hanggang sa maganap ang EDSA Dos noong Enero 20, apat na araw makalipas ang walkout. Napatalsik si Estrada dahil sa EDSA Dos.
Ngayong ginaganap ang impeachment ni Corona, aabangan nang marami ang wakas ng trial na ito. Mapawalang-sala man o mapatunayang may sala ang Chief Justice, ang mahalaga, nakikitang gumagalaw ang demokrasya sa bansang ito.