Kuta ng drug syndicates?
ANG isa sa pinaka-mahal na subdivision sa bansa ay naging kuta na pala ng mga gumagawa ng illegal drugs! Noong isang linggo, ni-raid ng mga operatiba ng PDEA and isang bahay sa Ayala-Alabang kung saan limang taga-China ang nahuli. Isang shabu lab na pala ang isang ektaryang bahay na pag-aari ng isang malaking kompanya! Pagkaraan ng isang linggo, dalawang bahay pa ang pinasok ng PDEA, at ganundin ang kwento! May mga nakitang shabu at mga kagamitan para gumawa nito, pero wala nang nahuling mga tao. Natakot na siguro nang malaman na na-raid yung bahay sa Acacia Avenue at hindi na bumalik sa mga bahay. Kaya malinaw na ginamit ang Ayala-Alabang para maging sentro ng mga laboratoryo sa paggawa ng iligal na droga. Sinusuyod na ng PDEA ang lugar kung sakaling may iba pang bahay na ginawang laboratoryo.
Nagbago na ang estratehiya ng drug syndicates. Kung dati ay sa mga mahihirap na lugar nagtatayo ng mga laboratoryo, tulad sa Pasig, ngayon sa mga eksklusibong subdivision na! Inisip na walang mag-iimbestiga sa isang subdivision kung saan napakahigpit ng mga guwardiya sa mga bisitang pumapasok. Pero dapat pala naging mas mahigpit ang mga guwardiya sa mga gustong manirahan sa Ayala-Alabang! Tila nabigyan din nila ng proteksyon ang mga kriminal sa kanilang pagiging mahigpit sa lahat ng pumapasok. Mabuti na lang at nahuli.
May pananagutan ba ang may-ari ng bahay na nagpaupa sa drug syndicates? Ito ang imbestigasyon na gagawin ngayon, hindi lang ng mga pulis kundi ng lokal na pamahalaan. Obligasyon ng bawat komunidad ang maging mapagbantay laban sa droga, at panatilihing ligtas sa droga ang komunidad. Kaya pati mga nagpapaupa raw ng mga bahay ay dapat inaalam ang lahat tungkol sa mga gustong umupa. Dapat siguro may batas o patakaran ang lahat ng kontrata kung saan puwedeng mag-inspeksyon ang may-ari ng bahay sa kahit anong oras nang walang paunang paalam. Para makita lang na walang kriminal na aktibidad ang nagaganap sa kanyang bahay. Iligal na droga, prostitusyon o baka safehouse kung saan tinatago ang biktima ng kidnapping, o mga kriminal mismo. Dahil sa mga pangyayari sa Ayala-Alabang, kailangan dumaan ang lahat ng gusto nang umupa sa kanila. Baka nandito na rin sina Palparan, Ramona Bautista at sino pang mga kriminal!
- Latest
- Trending