Burger stand ni Marikina police chief Col. Gabriel Lopez
HINDI dapat palakpakan si Sr. Supt. Gabriel Lopez, hepe ng Marikina City police, dahil sa pagsarahan ng mga ilegalista sa naturang siyudad. Kaya kasi nagsara ang mga pasugalan at beerhouses sa Marikina ay hindi dahil sa sunud-sunod na operation ni Lopez kundi dahil sa kabangisan ng tong kolektor niya na si alyas Rocky. Ang ginawa kasi ni Rocky, pinadoble nya ang lingguhang intelihensiya ng mga gambling operators at beerhouse owners kaya hayun, ga-balde ang umagos nilang luha. Meron nga diyan na tumataginting na P100,000 ang iniabot kay Rocky para kay Lopez kada linggo. Subalit matapos matanggap ang pitsa, pinasara pa ito ni Rocky dahil gusto ni Lopez ay P200,000 weekly ang kanya. Tinatawagan ko ng pansin si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome na disiplinahin si Lopez dahil “bulsa service” at hindi public service ang ipinatutupad niya.
Hindi bale sana kung maging garapal si Lopez sa pitsa kung nalulutas naman niya ang mga krimen sa Marikina. Sa totoo lang, tumataas ang bilang ng krimen sa Marikina tulad ng riding-in-tandem at ang pag-ambush kay Kakusa party-list Arnulfo Canonigo at pro golfer na si Antonio Asistio. Subalit mukhang walang kakayahan si Lopez at mga bataan nya para malutas ang ambush kina Canonigo at Asistio. At ang masama pa, ayaw magbigay ng kanilang salaysay sa insidente sina Canonigo at Asistio sa Marikina police. Ang ibig kayang sabihin nito walang tiwala sina Canonigo at Asistio sa liderato ni Lopez? Kaya hindi ako magtataka kung dati’y laging nangunguna ng EPD, NCPRO at PNP ang Marikina police e sa pamumuno ni Lopez naging kulelat na sila.
Kung sabagay, hindi ko masisisi si Lopez kung hindi niya magampanan ang kanyang trabaho bilang pulis dahil nauubos ang kanyang oras sa negosyo niyang burger stand. Sinabi ng kausap ko sa Marikina, si Lopez pala ay laging nagroronda gamit ang mobile car hindi para paigtingin ang peace and order ng Marikina kundi para tingnan ang sales ng burger stand niya.
Dapat mag-isip si Lopez kung ano ba talaga siya. Pulis o negosyante?
Abangan!
- Latest
- Trending