^

PSN Opinyon

Hindi awtorisado sa kaso ang asawang abogado

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

PAREHONG nakatira sa Amerika sina Tom at Nena. Si Tom ay abogado na miyembro ng Philippine Bar pero nagagamit niya ang propesyon sa Amerika. Pabalik-balik siya ng Amerika at Pilipinas. Si Nena naman ay may negosyo rito sa Pilipinas partikular na ang isang lupa sa Paco, Manila na hinahabol ng isa niyang kapatid, ang biyudang si Angie na kaparte niya sa lupa. Dahil may opisina si Tom sa Manila, sumulat si Nena kay Angie sa nasabing opisina. Ipinaalam niya sa kapatid na anumang sulat o komunikasyon sa kanya ay ipadala na lamang sa kanyang asawang si Tom sa address nito sa Manila. 

Pitong buwan ang lumipas na walang nangyayari sa negosasyon ng magkapatid. Nagsampa na si Angie ng reklamo sa korte para hatiin ang lupa sa Paco, Manila at para hingin na magpakita ng tuos si Nena upang kinita ng lupa. Ang kaso ay isinampa sa Manila regional trial court laban kina Tom at Nena. Ayon sa reklamo ni Angie, parehong residente ng Amerika sina Nena at Tom pero para sa nasabing asunto, maaaring ipadala ang kopya ng summons sa address ni Tom sa Manila kung saan siya nag-oopisina.

Ipinadala ang summons ni Nena sa opisina ni Tom base sa sulat mismo ni Nena sa abogado ni Angie kung saan nakasaad na ang lahat ng sulat at komunikasyon para sa kanya ay ipadala na lang sa abogado at mister niyang si Tom. Ang nangyari nga, ipinadala ang sum­mons galing sa korte sa opisina ni Tom sa Manila. Tinanggap ni Tom ang summons para sa sarili pero hindi nito tinanggap ang summons para sa asawang si Nena dahil daw hindi siya awtorisado ng asawa.  Tulad ng inaasahan, walang anumang kopya ng summons at ng reklamo na naiwan para kay Nena.

Nagsumite ng sagot si Tom sa reklamo pero hindi nakasagot si Nena. Dahil dito, hiningi ni Angie na ideklarang “in default” si Nena, kumbaga, hiningi niya sa korte na desisyunan na lang nito ang kaso dahil sa teknikalidad ng hindi pagsagot ng kapatid. Kinontra ito ni Tom. Ayon sa kanya, walang nangyaring legal na pagbibigay ng summons kay Nena. Ayon naman kay Angie, nangyari ang pagbibigay ng summons sa pamamagitan ng asawa nito at abogadong si Tom dahil si Nena mismo ang nagsabi na ang awtorisado niyang kinatawan sa ari-arian ay ang asawang si Tom. Tama ba si Angie?

MALI. Ang kasong isi­­nam­pa ni Angie ay ma­ka­aapekto sa interes ni Nena sa isang lupa at ang magiging desisyon ay mag­kakaroon ng epek­ to sa na­sabing lupa at hindi sa per­sonal na kapasidad ni Nena. Sa batas, ang kasong tulad nito ay tinatawag na “action in rem” kung saan saklaw ang kapangyarihan ng korte ay ang lupa. Hindi importante na maabot ng kapangyarihan ng korte si Nena basta may kapangyarihan ang korte sa lupang pinaglalabanan sa kaso o sa tinatawag na “res”. Dahil hindi na residente ng Pilipinas si Nena, puwedeng ipadala sa kanya ang summons o pagpapabatid ng asunto sa pamamagitan ng a.) personal na pagpapadala nito sa kanya sa ibang bansa; b.) pagpapalathala sa diyar­yo sa lugar at oras na ipinag-utos ng korte kasabay ng pagpapadala ng kopya ng summons sa huling address o tinirhan niya o kaya, at c.) sa anumang paraan na ipag-utos ng korte. Sa pangatlong pa­raan ang pagpapadala ng summons ay dapat tulad din ng dalawang paraang unang nabanggit. Ibig sa­bihin, puwedeng ipadala ang summons sa kanya sa labas ng Pi­lipinas sa pamamagitan ng Philippine Embassy kung saan nakatira si Nena. Kahit sabihin pa na sumulat si Nena sa abogado ni Angie na makipag-usap na lang sa asawa’t abogadong si Tom, wala naman ipinadalang special power-of-attorney (SPA) si Nena bilang katibayan na may karapatan si Tom na tanggapin ang summons na para kay Nena. Sa mga naunang negosasyon, bi­nigyan man ng karapatan at awtoridad ni Nena ang asawang si Tom, hindi naman kasali dito ang kapangyarihan na ma-ging kinatawan din sa kaso ng asawa sa korte (Valmonte, et. Al. vs. CA, et. Al., G.R. 108538, January 22, 1996).

AMERIKA

ANGIE

AYON

DAHIL

KORTE

NENA

SHY

SUMMONS

TOM

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with