MAY dalawang dahilan kung bakit grabe na ang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming lugar sa bansa. Una ay ang walang patumanggang pagputol sa mga punongkahoy at ang ikalawa ay ang pagmimina.
Grabeng pinsala ang nangyaring pagbaha sa Mindanao noong Disyembre 17, 2011 kung saan marami ang namatay. Binaha ang Cagayan de Oro City, Iligan City, Agusan, Surigao at iba pang lugar sa Northern Mindanao. Mga inanod na troso ang gumiba sa maraming bahay. Umabot sa 1,200 ang bilang ng mga namatay.
Talamak ang illegal logging sa mga probinsiya na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARRM). Kaya mahigpit ang utos ni President Noynoy Aquino sa tinalagang ARMM acting governor Mujib Hataman na kasuhan ang mga nagpuputol ng puno roon at sibakin ang mga opisyal na nagbibigay ng permiso sa illegal loggers. Mayroon nang sinibak si Hataman at umano’y may mga susunod pa.
Kung humahataw ang illegal logging sa rehiyon ng Mindanao, ganito rin kung humataw ang pagmimina. Hindi lamang illegal logging ang dahilan kaya nagkakaroon ng grabeng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao kundi pati na rin ang walang taros na pagmimina. Kung matindi ang pagputol sa mga puno, mas matindi ang pagmimina sapagkat inililibing nang buhay ang mga taong naninirahan sa mga lugar nang minahan.
Noong nakaraang Miyerkules ng gabi, habang natutulog nang mahimbing ang mga tao sa isang barangay sa Compostela Valley, naguho ang lupa at 25-tao ang natabunan. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng ugong at kasunod ay ang pagguho ng lupa. Halos nabura ang buong barangay dahil sa pagguho.
Ang mga lupang naglibing sa 25 residente ay galing mismo sa kanilang hinukay na pinagkukunan nila ng ginto. Halos lahat ng residente roon ay mga nagtatrabaho sa minahan (small scale mining) at kahit daw anong mangyari ay hindi sila aalis sa lugar na iyon. Doon daw sila nabubuhay. Ayon sa mga minero, kumikita sila ng P2,000 bawat araw.
Makaraang mangyari ang pagguho at may namatay, nagtuturuan kung sino ang dapat managot sa trahedya. Bakit daw hinayaang makapagmina sa lugar na iyon? Sino ang nagbigay ng permiso. Matagal na raw pinaaalis ang mga residente roon pero bakit naroon pa rin.
Ngayon ang tamang panahon para mahigpit nang tuluyan ang gobyerno laban sa mga nagmimina. Kung hindi maghihigpit, maaaring maulit ang trahedya at mas malagim pa. Limitahan ang pagmimina.