Landslide sa Compostela Valley
KAMI ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nalunos sa nangyaring landslide sa Compostela Valley, partikular sa lugar na pinagmiminahan ng ginto sa Sitio Diat Uno at Sitio Diat Dos sa Bgy. Napnapan, Pantukan. Base sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hindi bababa sa 25 katao ang namatay at 150 iba pa ang nawawala.
Natabunan ng putik at malalaking mga bato mula sa bundok ang buong komunidad na nagsasagawa ng “small-scale mining” o sari-sariling paghuhukay sa paanan ng bundok upang makahanap ng ginto. Namrublema pa ang mga search, rescue and retrieval team sa pagtulong sa mga biktima dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Batay sa “geo-hazard map” ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay deklaradong “landslide-prone” talaga ang naturang lugar at hindi ito dapat pinupuntahan at tinitirahan ng tao. Noong Abril ng nakaraang taon ay nagkaroon din ng landslide sa Bgy. Kingking, Pantukan, kung saan 22 katao ang namatay at marami ang hindi na natagpuan.
Aminado ang mga otoridad na nahihirapan silang kontrolin ang pagdagsa ng mga tao na nagsasagawa ng small-scale mining dahil sa pag-asang makakatsamba sila na makakuha nang maraming ginto.
Ipinag-utos na ng Malacañang ang pagsasagawa ng kumpletong imbestigasyon sa pangyayari.
Ayon kay Jinggoy, kailangan nang makagawa ng solusyon sa usaping ito upang wala nang magbubuwis ng buhay sa ganitong uri ng trahedya.
* * *
Happy Birthday: Isaac Belmonte, Editor-In-Chief ng Philippine Star (January 4) at dating Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen (Jan. 8).
- Latest
- Trending