HAYYY salamat! Ito ang sama-samang bulalas lalu na ng mga media practitioners sa go-signal na ibinigay ni Presidente Aquino para tuluyan nang maisabatas ang Freedom to Information Bill (FOI). Campaign promise kasi ni P-Noy ito, na sa sandaling maging Pangulo siya’y sisiguraduhing maipapasa ang FOI.
Isang isyu lang ang inalis ni P-Noy. Ito ay ang paglikha ng isa pang information commission na aniya’y magdaragdag lang ng bagong ahensya sa biyurukrasya. Kaya naman itong balikatin ng umiiral na information agency ng gobyerno.
Okay lang basta’t matutupad ang layuning gawing transparent ang lahat ng galaw sa ating pamahalaan, hindi lamang para sa mass media kundi kahit sa mga ordinaryong mamamayan na stake-holder o apektado ng alinmang nangyayari sa gobyerno.
Si Manila Rep. Beny Abante ang pangunahing awtor ng panukalang batas na ito. Siyempre, nangunguna siya sa mga naghayag ng kagalakan sa go-signal na ibinigay ng Pangulo.
Sinimulan ni Abante ang bill noong pang 14th Congress nang siya’y chairman pa ng Committee on Public Information and Communication sa Mababang Kapulungan.
Importante ang bill na ito at di puwedeng bale-walain kaugnay ng determinadong kampanya ng gobyerno kontra sa katiwalian. Wala nang puwedeng ilihim na transaksyon dahil magkakaroon na ng access ang sino man para sa mga dokumentong may kinalaman sa mga ginagawa ng alinmang sangay ng pamahalaan.
Maiiwasan na ang mga transaksyon gaya nang nasilat na NBN-ZTE deal na kumaladkad mismo sa dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.
Pinuri ni Abante ang aprubal ng Pangulo sa layuning gawing lantad sa tao ang mga transaksyon sa pamahalaan.