NAGHUGAS-KAMAY si Cong. Romiro Quimbo, spokesman ng Impeachment Prosecution panel, na hindi pa naman daw bawal talakayin sa public forum ang mga ebidensiya nila laban kay Chief Justice Rene Corona. Tutal, aniya, hindi pa nag-uumpisa ang paglilitis. Ang patakarang nagbabawal sa pampublikong diskusyon na maaring maka-impluwensya sa kalalabasan ng kaso ay may bisa lamang daw kapag nag-umpisa na ang paglilitis sa January 16.
Naalala ko tuloy ang pangangatwiran ng mga kandidatong walang pakundangan at garapalang nagpapalabas ng tv commercial o nagpapakabit ng mga tarpaulin at poster bago pa man mag-umpisa ang panahon ng kampanya. Anila: Kahit nakapaghain na kami ng certificate of candidacy, hindi pa naman kami kandidato hangga’t hindi pa pormal na nag-uumpisa ang campaign period.
Ang ganitong uri ng pagdadahilan ay ang pamama-raan ng mapanlamang.
Nakakalungkot lang at hindi nating inaasahang masasaksihan ito sa ilalim ng administrasyong tinutuwid ang daan. Buong akala natin ay maibabalik ni P-Noy ang dangal sa pamamahala na ipinagkait sa atin sa panahon ni Gng. Arroyo. Ang no wangwang ay simbolo na pangangatawanan ni P-Noy ang pangako na sa lahat ng pagkakataon, mula sa higanteng proyekto hanggang sa maliit na wangwang, ay hindi aabusuhin ang kapangyarihan.
Pero hindi ganun ang nangyari. Ito na lamang kabanata ni Gng. Arroyo at ni Chief Justice Corona’y umaapaw na sa mga malinaw na wangwang: Ang pagsuway sa TRO ng Mataas na Hukuman, ang pagmadali sa pagsampa ng reklamo at pag-isyu ng warrant of arrest sa Pasay RTC, ang fastbreak sa pagpapirma at pagsampa ng Articles of Impeachment sa Senado.
Hindi lamang dangal sa serbisyo ang nawala, maging ang dangal sa inaasal ay naglaho. Nariyan ang hayagang panghihiya ni P-Noy kay CJ sa criminal justice summit at ang trial by publicity na ginagawa sa kanya ng mga House Prosecutors.
Sa pag-aapura ng ating mga lingkod-bayan na ituwid ang daan, nakakaligtaan nila na kailangan din nilang tahakin ang daan bago ito maituwid. Kailangan nilang magmatiyaga dahil hindi maitutuwid ang mahaba-habang daan kung puro short cut ang kanilang dadaanan.