AYOKO sanang umpisahan ang bagong taon sa malungkot na balita, pero mahalaga rin ang pakay na ito. Sana huwag naman puro masamang balita ang nakahanda para sa atin itong bagong taon. Kung may insidente na magpapadalawang-isip sa mga sugarol, o yung mga hindi makaiwas sa pagsusugal, ito na siguro iyon. Natagpuang patay si Tyron Perez sa loob ng kanyang sasakyan sa Valenzuela. Ang hinala ay nagpakamatay si Tyron. May nakitang baril sa sasakyan at may tama siya ng bala sa kanang bahagi ng ulo. Walang nakitang sulat na iniwan, pero ayon sa mga nakausap na kaibigan, may malaking problema si Tyron sa pagsusugal sa casino. Sa mada-ling salita, malaki na ang utang bunsod ng pagsusugal. Naghukay siya nang napakalalim na butas para sa sarili at hindi na siya nakalabas..
Wala talagang nananalo sa pagsusugal kundi ang may-ari ng sugalan. Maraming datos at pag-aaral ukol dito. May sinusuwerte talaga. Natataon na sa unang taya ay tatama nang malaki. Walang argumento roon. Pero para sa mga nagsusugal nang madalas, araw-araw pa siguro, may madilim na hahantungan talaga. Mababaon sa utang, hanggang sa hindi na maharap ang katotohanan. Ganyan malamang ang nangyari kay Tyron,
Nakakatakot ng sugal. Ang akala mong maliit lang araw-araw ay lumalaki nang hindi mo napapansin. Dahan-dahang makakalayo sa iyo hanggang sa hindi mo na mahabol. At ang masama pa, tila iligal na droga kung saan nagiging adik ang pumapasok dito. At mukhang walang pinipiling tao, o edad. Dalawampu’t anim na taon lamang si Tyron Perez. Hindi natin alam kung bakit nalulong sa sugal. Kailangan ng pera para sa mas magandang buhay, mas magagandang gamit, mas masasayang bakasyon, mas magarang sasakyan at bahay?
Kaya mahalaga na masugpo ang pagsusugal nang maaga, bago maging malubha na ang danyos. Mahalaga ang pagbantay ng mga kapamilya, kaibigan. Kapag may balita na nagsusugal, kahit hindi madalas, kausapin kaagad at kumbinsihing walang mangyayari sa ganung buhay. May kasabihan nga, palaging panalo ang bangka. Totoong-totoo ito sa sugal. Walang laban ang sugarol dahil pati buhay, kinakabig.