MATAGAL na rin tayong hindi nakasaksi ng ganitong Pasko, kung saan ang diwa ng kapayapaan at kapatawaran ay tinalikuran mismo ng ating mga lider. Huli itong naranasan nung impeachment ni President Estrada sa 2000 at sa Davide impeachment nung 2003.
Sa mga nababahala, huwag mag-alala. Kung wala ang ganitong tensiyon, ang ibig sabihi’y hindi gumagana ang Saligang Batas. Ang Saligang Batas ang mekanismong inilagay natin upang masiguro na ang demokrasya ay hindi nasasalaula sa ngalan ng kagustuhan ng nakararami. Kung ang diktadurya ng iisa ay sinusuka, mas higit na nakasisira ang isang demokrasyang naghuhuramentado.
Ang sentrong ideya ng Saligang Batas ay ang paghiwa-hiwalay ng kapangyarihan ng pamamahala (separation of powers) sa tatlong malaking sangay – ang Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura kasabay ng katungkulang bantayan ang isa’t isa (checks and balances). Natural lamang ang tensiyon kapag ang mga ito’y nagbabanggaan.
Madalas nang napag-uusapan ang Ehekutibo at Hudikatura lalo na sa usaping Impeachment. Kapwa sila sumasailalim sa impeachment di tulad ng Lehislatibo. Ang mga Senador at Kongresista ay hindi impeachable officials.
Sa tatlong sangay, ang Lehislatibo ang pinakamalapit sa tao. Sila ang direktang halal at kasalamuhang madalas. Ang presidente, bagamat halal din, ay hindi maaasahang direktang makadaupang palad ng botante. Ikaw man – sino ang aasahan mong malapitan kung may hinaing – ang iyong mambabatas o ang presidente? Bilang patunay ng posisyon ng Lehislatibo bilang pangunahing sangay sa tatlo, ang Artikulo sa Saligang Batas tungkol sa Lehislatibo (Article 6) ay nauuna sa Ehekutibo (Article 7) at Hudikatura (Article 8).
Maging sa Lehislatibo mismo, mayroon pa ring separasyon at bantayan. Kaya may dalawang Kamara – ang House of Representatives at ang Senado. Sa impeachment ni Chief Justice Corona ay makikita ang kaibahan ng dalawa sa papel na gagampanan. Ngayon pa lang ay kita na ang karakter ng House bilang kinatawan ng mamamayan – at parang sinalamin ng kanilang mabilisang pagkilos ang sentimyento ng mayorya. Sa pag-umpisa naman ng impeachment trial sa Senado ay mapagmamasdan kung gaano kaiba ang mas malawak na pangitain at orientasyon ng ating mga Senador sa pagganap sa katungkulan bilang mahistrado.
Sa lahat ng tumataguyod sa REPORT CARD – Manigong Bagong Taon sa inyong lahat. Umasa tayo na sa kabila ng pagtatalo ng ating mga institusyon, sa huli ay mananaig pa rin ang katwiran at ang responsableng magpatupad ng katungkulan sa loob at hindi sa labas ng Saligang Batas.