MAI-IMAGINE n’yo ba kung ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona sa Senado ay ganapin sa closed door session? Isa ito sa posibleng ipanukala ng mga senator judges kung sa pakiwari nila’y hindi na nila makontrol ang pagsabog ng komentaryo at opinyon sa media tungkol sa impeachment.
Siyempre, hindi ito dapat mangyari dahil karapatan din ng lahat ang malaman ang mga kabanata ng kuwentong impeachment. Ang punto ay ito: Kung sa tingin ng Senado bilang impeachment court na masyado nang nagagamit ang press upang painitin ang pulso ng lipunan maging kampi o kontra sa anumang panig at tuloy ay nakukumpromiso na ang laya nitong makapagdesisyon nang naaayon sa ebidensiya, mayroon itong kapangyarihan na proteksyunan ang integridad ng kanilang proseso. Paano nga naman kapag nasulsulan na ng komentaryo ang emosyon ng madla sa puntong hindi na tatanggapin ang pasya ng Senadong hukuman? Apektadong todo ang kanilang independence at impartiality dahil sa impluwensya at pressure galing sa labas.
Kaya pinaalala ni Sen. Judge Miriam Defensor Santiago na sa umpisa pa lamang ng paglilitis ay pupulungin na ang mga kasamahan at magiging istrikto sa pagpatupad ng Sub Judice rule o ang pagbawal ng anumang komentaryo na maaring makaimpluwensiya o mag-pressure sa kanila sa impeachment trial. Sa ganitong usapan, hanggang deretsahang pag-uulat lamang ang maaring gawin ng mga trimedia – wala nang kabit na komentaryo. Sinuman ang lumabag ay mapaparusahan.
Matagal nang debate ang ganitong pagbalanse ng karapatan ng mamamayang makaalam at makialam sa pampublikong kaganapan laban sa interes naman ng administration of justice na mailayo ang kanilang proseso sa mga pressure na panlabas upang makapagbigay ng patas na pasya o hatol.
Sa Court of public opinion ay maaring tapos na ang boksing kahit hindi pa man nauumpisahan. Subalit hindi dito gaganapin ang boksing. Ang deklarasyon ni Sen. Judge Miriam ay nakapagbibigay kasiguruhan sa lahat na ang Senadong ito ay hindi papayag na malitis ang kaso sa labas ng kanilang bakuran. Ito’y pa-ngako na pangangatawanan ang sinumpaan bilang mga Hukom na makapagbigay hustisya nang naaayon sa kanilang independiyenteng pagdedesisyon.