'Mag-ingat sa mga gumagamit ng aming Pangalan!'
ISANG araw pa lamang nakakatapos ang Pasko at ilang araw na lamang bago pumasok ang taong 2012, patuloy na nagbabala ang BITAG sa mga gumagamit ng aming pangalan.
Makailang beses na namin itong nabanggit sa programang BITAG Live at sa kolum na ito, hindi kami magsasawang ulit-ulitin.
Nais linawin ng BITAG, wala akong tao na lumilibot sa Metro Manila maging sa mga probinsiya upang humingi umano ng donasyon para sa mga tutulungan ng aming programa.
Unang-una, walang foundation ang BITAG. Ikalawa, sa sarili naming bulsa nanggagaling sa abot ng aming makakaya kung may tutulungan ang BITAG.
Lalung-lalo na, hindi namin estilo na maglibot sa iba’t ibang tanggapan upang mag-Merry Christmas o mang-Happy New Year.
Mahigpit ko itong ipinagbabawal sa mga bumubuo ng grupong BITAG. Sapat na ang biyayang ibinibigay sa amin ng Maykapal taun-taon.
May mga nakakaabot sa akin na ginagamit ang pa-ngalang Ben Tulfo upang makakuha ng regalo o donasyon. Iisa lang ang tingin namin diyan, kotong o lagay.
Taliwas ito sa prinsipyo ng BITAG. Alam ito ng mga tunay na sumusuporta’t naniniwala sa aming programa at adbokasiya nito.
Sinuman ang may nakaka-engkuwentro katulad ng nasasaad sa kolum na ito, ipagbigay alam agad sa aming tanggapan.
Itawag sa mga nu-merong nasa ilalim ng espasyong ito ang pangalan ng taong gumagamit ng aking pa-ngalan at ng progra-mang BITAG.
Kahit na magpakilala pa itong empleyado ng BITAG at magpakita ng I.D., hindi kami magdadalawang isip na ikasa ang patibong na ginagamit namin sa mga dorobo.
Mangyaring litratuhan, mukhaan o kuhanan ng video ang sinumang kakatok sa inyong pintuan, mapa-bahay man o tanggapan na ang pakay ay aginaldo para sa BITAG.
Babalatan namin ang kaniyang pagmumukha sa BITAG Live.
- Latest
- Trending