Mga magtotroso makonsensya na kayo

ANG malagim na delubyo sa Mindanao na pumatay sa halos sanlibo katao ay patunay na dapat nang ipatupad ang total log ban tulad nang iniutos na ni Presidente Aquino pero hindi natutupad.

Iba na ang panahon ngayon. Totohanan na ito at hindi kathang isip na dati lamang nating napapanood sa pelikula. Marami sa mga namatay sa baha ay naipit sa mga troso na tinangay ng agos mula sa kabundukan. Maraming tahanan ang nawasak dahil inararo ng mga inanod na troso mula sa bundok.

Kung mapapangalagaan lamang ang mga kabundukan upang magkaroon ng forest cover, tiyak na hindi na mangyayari ang mga mapaminsalang delubyo. Nararanasan na natin ito taun-taon at tuwing mangyayari, bubuo ng mga probe team ang pamahalaan upang tukuyin kung sino ang dapat managot. Ngunit hanggang siyasat lang ang nangyayari at hindi natutuldukan ang kaso.

Tama na ang turuan at bintangan dahil malinaw naman­ na iisa lang ang sanhi ng malubhang pagbaha. Iyan ang pagkapanot ng ating mga kabundukan kaya tuwing bubuhos ang malakas na pag-ulan, wala nang mga punong­kahoy na humihigop at nagdadala sa ma­laking volume ng tubig. Kaya pagdaloy ng tubig mula sa kabundukan, ang dala-dala nitoy malapot na putik na kahit beteranong manlalangoy ay hindi ubrang languyin.

Sasabihin ng mga nasa industriya na malaking halaga ang mawawala sa ekonomiya kapag itinigil nang lubos ang pagtotroso. Marami rin daw ang mawawalan ng trabaho. Agree ako diyan. Pero ano ang mas importante, pera o laksa-laksang buhay ng tao?

Mantakin ninyo na pami-pamilya ang naubos sa Mindanao lalu na sa Cagayan de Oro at Iligan. Wala nang natirang buhay para makipaglamay man lang. Mag-isip na lang ng bagong negosyo mga kaibigan.

At sa panig ng pamahalaan, ano ang ginagawa ng ating mga forest rangers ng DENR? Sabagay hindi mo masisisi ang mga ito dahil siguro sa pa­ngambang sila’y iligpit ng mga loggers na apektado kapag ipinatupad ang batas laban sa logging.

Sana, makonsensya na ang mga loggers. Illegal man o lisensyado. Dapat nang huminto ang DENR sa pag-iisyu ng timber licenses dahil sa uri ng panahon ngayon, ang logging ay “laging ilegal” may lisensya man o wala. 

Show comments