May nagbabala na pala noong 2007 na hindi na dapat tinitirahan ng tao ang tabi ng ilog sa Cagayan de Oro City, dahil nga sa peligro ng pagbabaha kung sakaling magkaroon ng matinding pagbuhos ng ulan. Sa totoo nga, ngayong taon ay inulit ng mga taga-Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang peligro sa mga naninirahan sa may baybay ng ilog, pero malinaw na hindi ito pinansin ng mga residente at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Halos karamihan ng namatay sa delubyo na dinulot ng bagyong Sendong ay mga nakatira sa tabi ng ilog. Malapit na sa 1,000 katao ang kumpirmadong patay!
Ang patuloy na pagmimina at pagpuputol ng mga puno sa paligid ng mga ilog at sapa sa Cagayan de Oro ay lalong nagpalala sa pagbabaha, dahil wala na yung mga puno para masipsip yung tubig, at bumabaw na nang husto ang ilog dahil sa burak na dulot ng pagmimina. Ayon pa sa opisyal ng MGB, ganito na ang magiging eksena sa ilang bahagi ng bansa kapag nagkaroon ng malakas na ulan, dahil wala naman daw ginagawa ang mga lokal na pamahalaan para pigilan ang iligal na pagmimina, pagpuputol ng puno at paninirahan sa tabing ilog. Kasama rito ang Metro Manila. Nakatikim na nga tayo ng kaparehong sitwasyon sa Ondoy. Pero napakarami pa ring basura sa mga sapa, ilog at kanal, at napakarami pa ring naninirahan sa mga tabi nito! Di na baleng magbaha at maraming mamatay, basta may bumoto siguro, di ba?
Dito rin talaga mahina ang Pilipino. Ang makinig sa babala. Sa overloading ng barko, sa pagpapatakbo ng mabilis ng mga bus, mga lumilipad na eroplano na wala palang pahintulot at kinaukulang papeles, sa paninirahan sa mga tabing daluyan ng tubig, iligal na pagpuputol ng puno at pagmimina. Kaya pag nagkaroon ng kalamidad, napakataas ng bilang ng mga namamatay at apektado. Wala na dapat siguro tayong sinisisi kundi sarili natin, at ang mga opisyal na nagmamarunong at ayaw makinig sa mga nakakaalam, mga eksperto. Ang mahalaga lamang ay makuha ang gusto, kahit may mga peligro at babala. Mangyari na ang mangyayari, bahala na. Ganun ang kaugalian. Pero kapag tinamaan na nga ng kalamidad o trahedya, napakabilis manisi o bumatikos ng iba. Dapat baguhin na ang ganitong kaugalian. Kaugalian na nagiging sanhi ng trahedya. Kaugalian na nakakamatay! Siguradong magkakaroon pa ng mga bagyo na magdudulot ng matinding ulan. Siguradong marami pa ang mamamatay kung hindi pa rin pakikinggan ang mga babala, at kung hindi kikilos ang mga opisyal.