Naglahong liwanag

Pag-ibig ko sa iyo’y hindi nagbabago

mutyang paralumang mahal ng puso ko;

Kung may nagawang mali sa buhay na ito

yao’y kamaliang dahil din sa iyo!

Tayo’y nagkasundong tapat sa sumpaan

kaya tayong dalwa’y kapwa nagmahalan;

Nang minsang matapat sa inyong tahanan

malayo pa ako’y dinig ang sigawan!

Kaya pala gayon – ikaw na mag-isa

dinahas ng isang kaaway sa sinta;

Nanggaling sa bukid may itak na dala

ang aking karibal tinaga ng lima!

Ngayo’y heto ako sa rehas na bakal

tanging hinihintay ang iyong pagdalaw;

Sa araw at gabi malayo ang tanaw –

subalit naglaho ang langit kong ikaw!

Kailan sinta ko ako’y dadalawin

sa pag-iisa kong kay hirap tiisin?

Nalimot mo na ba ang suyuan natin

na tanging ako lang ang ‘yong mamahalin?

Sa pag-iisa ko’y hinahanap-hanap

ang iyong pangakong ako lang ang liyag;

Pero bakit kaya naglahong liwanag

ang karilagan mong naglaho at sukat?

Ang laging dalaw ko’y ina at kapatid

ikaw na mahal ko’y hindi sumisilip;

Sa mga magulang ay aking nabatid

ikaw ay nag-abroad sa bansa’y umalis!

Sa huling pagdalaw nitong aking ina

ay lungkot na lungkot umiiyak siya;

Siya’y nagbalitang mutya’y nadisgrasya –

tumalon sa condo dahil sa amo n’ya!

Kaya ang hapis ko ay gayon na lamang

hindi na nga siya muling mamamasdan;

Ngayong wala na siya ang nais ko na lang –

kami ay magkita sa kabilang buhay!

Show comments