Christmas lane, open na sa motorista
BUKAS padadaanan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga Christmas lane sa Metro Manila upang maibsan ang matinding trapik. Tatamaan ang mga residente ng Sampaloc at Sta. Mesa Manila dahil ipagbabawal na ang pagparada ng mga sasakyan at pagtitinda sa Christmas lane. Sa mga may sasakyang pumaparada sa mga kalye sa Maynila gaya ng Vicente Cruz, Piy Margal, Laong-Laan, M. dela Fuente, Maria Clara, Sergio Loyola, Dapitan at E. Rodriguez Avenue sa Quezon City, maghanap na kayo ng pagpaparadahan ng inyong mga sasakyan upang hindi ito mahatak ng MMDA. Gagamitin kasi ang mga kalyeng nabanggit bilang Christmas lane.
Nais ni MMDA chairman Francis Tolentino na maalis ang mga sagabal sa lansangan ngayong Christmas season. Maging ang mga nagtitinda sa kariton ay bawal din. Ang ilan naman kasi sa ating mga kababayan ay ginagawang talyer na ang mga lansangan. Pero kung maghihigpit ang MMDA sa mga may-ari ng sasakyan, umaksyon din naman sila sa mga terminal ng SUV at tricycle sa mga pangunahing lansangan. Katulad na lamang sa Pasay City na namumutiktik ang mga terminal na colorum sa EDSA, Taft Avenue, Buendia at sa kanto ng Roxas Blvd. at EDSA. Mula sa barangay chairman hanggang sa office of the mayor umano ay may collection at tara sa mga illegal na terminal.
Sa Parañaque City naman ay naghahari-harian ang mga tricycle sa kahabaan ng Quirino Ave. mula MIA Road hanggang La Huerta dahil nakikipag-agawan ng pasahero sa mga pampasaherong jeepney. Walang pakialam si Mayor Florencio Bernabe sa trapik sa pangunahing lansangan ng Parañaque City dahil mas binigyan niya ng pansin ang pagbigay ng permiso sa sidewalk vendors sa paligid ng Redemptorist Church. Mukhang tumabo na naman ng datung si Bernabe mula sa vendors kaya okey lang sa kanya kung sumikip man sa kanyang kapaligiran.
Nagbalikan na naman ang mga pulubi sa Ninoy Aquino Avenue at MIA Road. Kakahiya sa mga turista at balikbayan. Ang mga pulubing ito ang dahilan kaya bumabagal ang daloy ng trapiko dahil pilit silang nanghihingi ng limos sa mga balikbayan o turistang nagdadaan. Sayang ang mga MMDA traffic enforcer na nakatalaga roon dahil ang pinag-uukulan nila ng pansin ay ang mga drayber na nalilito sa trapiko para makotongan kaysa hulihin ang mga pulubi. Chairman Tolentino, madaling matutupad ang iyong pangarap na maging maluwag ang daloy ng trapiko kung didisiplinahin mo ang iyong mga tauhan na walang ginawa kundi ang mangotong sa mga motorista. Abangan!
- Latest
- Trending