NAUNSIYAMI ang tubo este pagbebenta ng ticket ng Star City sa 4,600 na estudyante ng Padre Burgos Elementary School (PBES) sa Maynila. Hindi lang yan, pati ang P60.00 na contributions para sa Christmas party ng mga estudyante ay nabuking din. Umaksyon agad ng singbilis ng kidlat si Manila mayor Alfredo Lim matapos ko itong ibulgar. Kakahihiya na ang isang eskuwelahang tulad ng PBES ay kakasangkapanin ang mga estudyante para kumita ng datung.
Maging ang masarap na luto ni Principal Adelaida Reyes ay hindi na matitikman ng mga estudyante matapos mag-react si DepEd secretary Armin Luistro sa P60.00 contributions. Ayon sa aking espiya, magkanya-kanya na lamang dala ng pagkain ang mga estudyante at sa kanilang silid aralan idaraos ang Christmas party. Hindi naman umano ito nagustuhan ni Madam Reyes at itinuro na ang may pakana sa pagbenta ng ticket at P60.00 contribution ay ang faculty ng PBES. Hindi lamang pala ang PBES ang may ganitong pagbibenta ng ticket sa carnaval dahil halos lahat ng mga public school sa Maynila ay ganito ang problema.
Mayor Lim at Secretary Luistro, pakibusisi ang pagbibenta ng ticket sa mga bata ng mga public school.
Samantala, matapos kong ibunyag ang illegal na pag-ooperate ng Kabarkada Computer Shop sa harap ng PBES, nagsara ito sa araw subalit bukas sa gabi. Kaya tumatabo pa rin ng pera ang may-ari ng computer shop dahil full pack ng mga estudyante ang kanyang puwesto. Mukhang hindi ito kayang ipasara ni Mayor Lim dahil malakas umano kay Chief of Staff Ric de Guzman ang may ari ng shop.
Naibulgar ko noong nakaraang buwan ang pambabastos ng mga cargo truck driver sa mga MMDA traffic enforcer sa Roxas Boulevard. Ang puhunan ng tapang ng apog ng mga drayber ay ang laminated na calling card ni De Guzman sa tuwing sila’y masisita. Subalit hanggang sa ngayon walang nagawa ang mga MMDA at MPD Traffic Management Bureau na mapagbawalan ang mga drayber dahil oras na masa-ling nila ang mga kampon ni De Guzman tiyak na sa kangkungan sila pupulutin. Kailan kaya ikukumpas ni Lim ang kanyang kamao laban sa calling card ni De Guzman? Abangan!