KINUKUWESTYON ng kampo ni dating Presidente at Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang legalidad ng pagkakaaresto sa kanya dahil sa kasong “election sabotage.” Hanggang kahapon habang isinusulat ko ang kolum na ito ay patuloy pa rin ang oral argument tungkol dito.
Partikular na pinagdedebatihan kung legal ba o hindi ang pagkakalikha ng joint DOJ-COMELEC panel na nagsisiyasat sa kaso laban kay Arroyo na hanggang sa isinusulat ito’y di pa malaman kung mananatili sa ospital o ililipat sa karsel si GMA.
Pero kailan ba nagsimula ang batas na ito? Taong 2007 nang Presidente pa si GMA nang pagtibayin ng Kongreso ang Election Sabotage Law. Wika nga ni Atty. Alan Paguia, illegal daw ang batas kahit ba ginawa ng Kongreso dahil labag sa Saliganbatas. Kaya naman hinahamon si Paguia ng Palasyo na subukan niyang ipetisyon sa Korte Suprema na ideklara itong labag sa batas. Pero hindi ang detalye nito ang pag-uusapan natin.
Tila kasi yung mga batas at reglamentong napagtibay nung panahon ni GMA bilang Pangulo ang ginagamit para siya madiin at ang mga batas na ito na galing sa kanyang administrasyon ang kinukwestyon dahil siya (GMA) ngayon ang malubhang apektado.
Nagsimula ang problema ni GMA nang siya ay magkasakit at maoperahan at nagbalak lumabas ng bansa para dun magpagamot. Pero nahadlangan ang paglisan niya sa isa pang direktiba na kung tawagin ay Watch List Order (WLO). Kahit wala pang pormal na asunto ay napigil ng Department of Justice ang kanyang paglisan.
Ang direktibang ito’y sa administrasyong Arroyo din nagsimula na ngayo’y ginamit laban sa kanya. Nang kuwestyunin ng mga Arroyo ang WLO sa Korte Suprema, maagap namang nakapagdemanda nang pormal laban sa dating Pangulo. Kaya hayan, under hospital arrest siya.
Grabe talaga ang “trend” na sinimulan ni dating Presidente Erap. Sana’y huwag danasin ito ni P-Noy. Malinis man siya sa ating paningin, iba ang pulitika sa bansa. Masyadong malupit.