MAY mga kaibigan ako na matagal nang umalis para manirahan na sa ibang bansa. Higit dalawang dekada bago nakabalik sa Pilipinas. Natural napapansin nila ang mga pagbabago, katulad ng mga flyover. Natatandaan pa nila nung wala pang mga flyover ang kahabaan ng EDSA, at may mga stop light pa! Oo nga naman, inabot ko rin yung may stop light pa sa mga intersection ng EDSA katulad ng Ortigas, Santolan, Aurora, Kamias/Kamuning, Quezon Blvd. at iba pa! Napakalaki nga ng pagbabago sa siyudad. My plano pa nga ang DPWH na magsigawa pa ng mga karagdagang flyover dahil hindi na talaga kaya ng mga kasalukuyang kalsada natin ang dami ng sasakyan na bumabaybay nito, na nagdudulot din ng teribleng trapik!
Napansin din ng mga kaibigan ko na binago na rin ang pangalan ng ibang mga kalsada. Isa na rito ay ang Buendia na ngayon ay Gil Puyat Avenue. Ang dating Sucat Road ay Dr. A. Santos na! Ang Pedro Gil sa Manila ay dating Herran at iba pang mga pinalitang mga pangalan ng kalye. Sabi nga nila, mawawala na raw sila kahit alam nila ang mga pangalan ng kalye dahil pinalitan na. Ang mga ibang pangalan ng kalye ay pinalitan din para maging Pilipino na ang tunog. Ang dating Dewey Blvd. ay Roxas Blvd na. Di ko nga alam bakit ang Taft Ave. ay hindi pa pinapalitan kung ganito ang dahilan nila sa pagpalit ng mga pangalan.
Ang EDSA ay hindi EDSA noong araw. Highway 54 ang tawag dito. Pero ngayon, may panukala na palitan muli ang pangalan ng kalsadang ito sa Cory Aquino Avenue, pagbigay pugay sa dating presidente ng Pilipinas. Walang argumento rito sapagkat nasa mga libro ng kasaysayan ang kanyang buhay, ganundin ang asawang si Ninoy Aquino. Pero medyo tutol din ako sa pagpalit ng EDSA sa kanyang pangalan, o sa kanino mang pangalan, hindi dahil hindi siya karapat-dapat, kundi dahil na rin sa kasaysayan. Ang rebolusyon kung saan napaalis ang isang diktador sa mapayaoang paraan, ay naganap sa EDSA. Kilala ang EDSA bilang EDSA. Marami pa diyang mga kalsada at lugar na pwedeng ipangalan kay dating President Cory Aquino. Sigurado matutuwa siya sa anumang iparangal sa kanya.