MATATAHIMIK na rin ang mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Napakatagal nang panahon na hinihintay nila ang desisyon ng Supreme Court ukol sa pagmamay-ari ng bahagi ng Hacienda Luisita. Dumating din ang kanilang hinihintay makaraang panigan ng Kataas-taasang Hukuman ang mga magsasaka na makapagmay-ari ng lupa. Nagdesisyon na ang Supreme Court na ipamahagi ang bahagi ng lupa o magmay-ari ng stock sa Hacienda..
Ang desisyon ay nagpapakita lamang na nararapat na ngang ipagkaloob sa may 6,296,magsasaka ang lupa sapagkat matagal nang panahon na nasa Hacienda sila. Sila ang mga orihinal na benepisyaryo ng lupa. Doon na sila isinilang at doon na rin nagkaroon ng pamilya. Ang kanilang mga anak ay doon na rin bumuo ng sariling pamilya. Ang kanilang buhay ay halos inilaan sa pagtatrabaho sa Hacienda. Maraming pawis ang tumulo sa kanila roon.
Hindi rin lang pawis kundi pati dugo ay umagos din sa Luisita nang magkaroon ng kaguluhan doon noong Nobyembre 16, 2004 nang magbarikada ang mga magsasaka sa gate ng hacienda. Nang ayaw ang mga magsasaka, pinaulanan sila ng tear gas. At nang ayaw pa ring paawat sa pagbabarikada, pinaulanan sila ng bala mula sa machine gun. Labing-apat na tao, kabilang dito ang dalawang bata ang namatay at 200 naman ang grabeng nasugatan. Umano’y mga sundalo ang bumaril sa mga magsasaka. Ang Hacienda Luisita massacre ay hindi pa rin nalulutas hanggang sa kasalukuyan.
Mula nang mangyari ang massacre, nagkasunud-sunod pa ang mga kaguluhan sa hacienda at tila hindi na matahimik ang kanilang kalooban. Matagal na nilang ipinaglalaban ang pagkakaroon ng bahagi sa ekta-ektaryang lupain subalit walang desisyon ang Korte.
Ngayong nagkaroon ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman, marahil magkakaroon na ng kapanatagan sa hacienda. Wala nang kaguluhan at maitutuon na nila nang husto ang sarili sa pagpapaunlad ng kani-kanilang buhay.