MABILIS kumilos ang Korte Suprema sa pagbibigay ng temporary restraining order (TRO) kay dating President GloriaMacapagal-Arroyo. Ilang oras lang ay nakapagdesisyon na. Mabilis din naman ang Department of Justice at agad nasampahan ng kaso si Arroyo kaya nabalewala ang TRO at hindi na nakalabas ng bansa. Naka-hospital arrest na ngayon si Arroyo.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Iglap lang ay arestado na si Arroyo dahil sa kasong electoral fraud. Maaaring umusad na ang kaso at malalaman na ang katotohanan ukol sa mga pandaraya sa election. Bukod sa electoral fraud, limang kaso pa ang nakatakdang isampa kay Arroyo at sabi ng Malacañang bago matapos ang 2011 ay sasampahan pa ito ng mga kaso.
Habang mabilis ang Supreme Court at DOJ ukol sa kaso ni Arroyo, kabaliktaran naman ang nangyayari sa kaso ng Maguindanao massacre na gugunitain ang ikalawang anibersaryo bukas (Nobyembre 23). Wala pang nakikitang liwanag kung makakakuha ng hustisya ang 58 biktima ng massacre noong Nobyembre 23, 2009. Hanggang ngayon ay mabagal ang pag-usad at ang matindi, marami pang suspect sa karumal-dumal na krimen ang hindi pa naaaresto.
Walang awang pinagbabaril at ang iba ay pinag tataga pa makaraang harangin ang convoy ng mga biktima. Ang convoy ay kinabibilangan ng asawa at kaanak ni Ismail Mangudadatu, kandidatong governor sa Maguindanao. Magpa-file ng candidacy si Mangudadatu at ang asawa niya ang representante. Pero hinarang sila ng mga armadong lalaki na pinamumunuan umano ni Andal Ampatuan Jr. Pinagbabaril sila at nang inakalang patay na lahat ay inilibing sa isang hukay. Kabilang sa mga napatay ay ang 30 mamamahayag.
Maaari naman palang pabilisin ang pag-usad ng kaso gaya kay Arroyo pero bakit sa mga akusadong Ampatuan ay tila mabigat ang pag-usad ng hustisya. Hanggang kailan maghihintay ang mga kaanak ng minasaker? Kailan mapaparusahan ang mga walang kaluluwang pumatay sa 58 katao?