Si P-Noy dapat ang bida

PARANG pelikula o tele-novela ang nangyayari sa larangan ng pulitika natin. Si Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang pumapapel na kontrabida. Tambak sa kasong plunder at electoral sabotage na kinasasangkutan niya at ng asawang si Mike.

Habang isinusulat ang balitang ito, nagpalabas na ng arrest warrant laban kay Mrs. Arroyo ang Pasay Regional Trial Court sa kasong electoral sabotage na kahapon lang isinampa ng COMELEC.

Ang administrasyong Aquino ang “bida” pero nagmumukhang “kontrabida”. Heto kasi ang takbo ng iskrip: Isang dating Presidente ang nagsasabing may malubha siyang sakit. Kailangang mangibang-bansa para dun magpagamot. Tutol ang pamahalaan dahil sa mga na-kabiting kaso. Baka raw magtago na nang tuluyan para makaiwas sa asunto.

Pero sa totoo lang, wala pang kasong naisasampa sa korte. Nananatili ang karapatan ng “kontrabida” na lumabas ng bansa na sa takbo ng iskrip ay sinisikil ng “bida”. Ang pinagbabatayan lang ay ang isang kuwestyonableng “watch list order.”

Umapela ang kampong Arroyo sa Korte Suprema para pansamantalang pigilin ang watch list order. Nag-isyu ng TRO ang hukuman. Puwede na sanang makaalis ang mag-asawang Gloria at Mike pero pinigil ng administrasyon. Ipinilit na wala pang bisa ang TRO. Nag-kontra-mosyon ang administrasyon para baliktarin ang unang desisyon. Bigo sila. Anang Korte, respetuhin ang TRO at payagang umalis ang mga Arroyo. Pinagpapaliwanag pa ang Kalihim na Katarungang si Leila de Lima na magpaliwanag kung bakit di dapat kasuhan ng contempt sa pagsuway sa direktiba ng Korte.

Kasabay nito, nagkaisa ang COMELEC na pormal nang isampa sa Korte ang kasong electoral sabotage laban kay Mrs. Arroyo na sinundan pa ng bagong mosyon sa Korte Suprema para baliktarin ang TRO dahil may nakasampa nang kaso laban sa dating Pangulo.

Kung noon pa isinampa ang kasong iyan ay wala sanang krisis ngayon na naglalagay sa anino ng pagdududa sa ating justice system. Magdadalawang taon na ang administrasyon pero walang nadiskartehan ni isang kaso?!

Sabagay, tila ang nakararaming tao ay kumakampi sa administrasyon dahil buo na sa kaisipan ng taumbayan ang imahe ni Gloria bilang kontrabida. Pero hindi iyan ang isyu.

Ang isyu ay ang pangyayaring puwedeng labagin ng ehekutibo ang order ng Mataas na Hukuman, bagay na di dapat mangyari. Nasa Mataas na Hukuman ang huling pagpapasya hinggil sa mga isyung legal. Kung ganyan rin lang na puwede itong labagin, bakit kailangan pa na may Korte Suprema.

Show comments