EDITORYAL - Ingat sa maruminghotdog at hamon

DAGSA ang mga itinitindang hotdog at hamon sa palengke ngayon. Mas mura ang mga ito kumpara sa mga produktong gawa ng mga may pangalang food companies. Madaling makaakit ang mga hotdog na nakalatag sa mga palengke dahil sa kanilang mapulang kulay na tila ba katakam-takam. Bukod sa hotdog, dagsa na rin ang mga hamon sa palengke. Tamang-tama sa pagdating ng Pasko. Kaakit-akit din ang mga hamon na tinda.

Pero huwag basta mahihikayat ng murang pres­yo ng mga hotdog at hamon sa palengke sapagkat baka ang mga ito ay hindi malinis ang pagkaka­gawa. Maaaring may bacteria ang mga produkto na masama sa kalusugan ng sinumang kakain nito. Karaniwan nang ang kumakain ng hotdog ay mga bata. Hindi nagsasawa ang mga bata sa pagkain ng hotdog. Maski yung mga hotdog na niluluto sa kanto-kanto ay gustong-gusto ng mga bata. Ang hotdog din ay karaniwang isinasahog sa spaghetti at paborito rin ito ng mga bata. May mga vendor na nagtitinda ng hotdog sa mga bisinidad ng paaralan at delikadong makain ito ng mga bata. Maaaring magkasakit sila kapag nakakain nang maruming hotdog at iba pang pinrosesong pagkain.

Noong Huwebes, sinalakay ng health officials ng Quezon City ang pagawaan ng hotdog, hamon, siomai, hamburger at iba pang processed foods sa Talipapa, Novaliches, QC. Nakita ang mga karneng ginagawang hotdog na nakapatong lamang sa maruruming mesa. Ang iba pang karne ay naka-tambak sa nanggigitatang patungan sa sulok ng kompanya. Ang mga trabahador ay huling-huli rin na walang cap at uniporme. Marumi ang paligid at halatang may mga langaw.

Nadiskubre ng mga awtoridad na walang sapat na business permit ang sinalakay na kompanya. Hindi sumusunod sa batas sa tamang kalinisan o sanitation ang sinalakay na kompanya. Nagbabala ang awtoridad na ipasasara ang kompanya kapag hindi sumunod sa batas ukol sa kalinisan.

Mag-ingat sa maruruming pagkain na tinda ngayong panahon ng Kapaskuhan. Huwag ipagsapalaran ang kalusugan lalo na ang mga bata. Huwag maakit sa murang presyo ng mga pagkain na ang kapalit ay pagkakasakit o maaaring utangin pa ang buhay.

Show comments