LAHAT ng tao ay nagkakamali at ang mga pagkakama-ling ito ay hindi intensiyon at hindi sinasadya ninuman.
Subalit kung nagkamali ang isa at nanghingi ng patawad, ang lagay, hanggang sorry na nga lang ba? Hindi ito uubra lalo na sa larangan ng medisina lalo na sa pagpapaanak.
Ano kaya ang iyong gagawin matapos mong malaman na ang iyong bagong silang na sanggol ay nabitawan ng komadronang nagpapaanak sa iyo?
Mapapatawad mo kaya ang midwife na imbes aminin ang kanyang kasalanan ay nagawa pang manahi ng kasinungalingan upang pagtakpan ang kanyang kapabayaan?
Ang mag-asawang Mikko at Charity, hanggang sa ngayon ay naghihinagpis dahil eto ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang una at bagong silang na sanggol.
Ayon sa midwife ng Zarah lying-in clinic sa Rodriguez, Rizal na nagpaanak kay Charity, patay na ang sanggol nang lumabas. Mahina raw ang tibok ng puso nito.
Subalit lingid sa kaalaman ng komadrona, nakita ng ama ang sinapit ng kanyang anak sa kamay ng midwife.
Paglabas umano ng kanyang anak, hinawakan daw ito sa paa ng komadrona at itinapat sa lababo sa aktong papaluin ang puwitan nito.
Nagimbal ang ama nang makitang nabitawan ng komadrona ang bagong silang na anak. Nagpanic daw ito at ibang kasamahan sa lying-in nang hindi na umiiyak ang sanggol.
Sa death certificate at sa resulta ng awtopsiya ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa bangkay ng sanggol, blunt traumatic injury in the head o matin-ding pagkabagok sa ulo ang ikinamatay nito.
Sinubukan ng BITAG na hanapin ang inirerekla-mong midwife sa Zara lying-in subalit ayon sa may-ari ng klinika na humarap sa BITAG, umuwi na raw ito ng probinsiya.
Bago pa man daw kami mag-imbestiga, hinuli na ng mga pulis ang midwife dahil sa reklamo ng mag-asawa. May ilang araw daw itong nakulong at ngayo’y pansamantalang nakalaya dahil sa piyansa.
Ang may-ari ng lying-in na isa ring komadrona ay nakikiramay at nalulungkot sa nangyari sa anak ng mag-asawang nagre-reklamo.
Subalit hugas-kamay ito sa nangyari, wala raw siya noong mga panahong iyon sa klinika kaya huwag daw siyang idamay.
Ayon naman sa Inte-grated Midwives Association of the Philippines, command responsibility ang kasong ito. May pananagutan din ang may-ari ng clinic sa nagawa ng kanyang midwife.
Ang iba pang impormasyon, sundan ang ikalawang bahagi ng kolum na ito.