Dalawang kabiguan

Sa tapat ng aming maliit na dampa

Biglang may natayong bahay na magara;

Doo’y nakikita sa tuwing umaga

Matamis na ngiti ng isang dalaga!

Sa tuwing daraan sa tapat ng bahay

Ang magandang mutya laging nakadungaw;

Palibhasa ako ay galing sa linang

Katawan kung hubad pawisang-pawisan!

Kaya parang tukso ang mutyang maganda

Ang sulyap sa aki’y pinaka-nanasa;

At kung nagtatama aming mga mata

Ang pintig ng puso’y tumaas-bumaba!

At mula sa bukid doo’y nagdaraan

Kaya itong mutya laging namamasdan;

At isang araw nga siya ay dinalaw;

Upang ipahayag aking pagmamahal!

Mga magulang n’ya’y masayang tinanggap

Sa tahanang iyon ang aking pag-akyat;

Inakala nilang ako’y magtatapat

Ng aking pag-ibig sa kanilang anak!

At totoo namang ang aking layunin:

Oo nga dalaga’y balak kong sungkitin;

Subali’t ang mutya ay nagtago mandin

At bayaw humarap sa aking pagdating!

Tinawag ng ina itong binibini

Nguni’t ito pala ay pipi at bingi;

Saka nang makita ang ngipin ay sungki –

At saka pilay pa’t lakad ay tabingi!

Ang mga magulang humingi ng tawad

Sa gandang pakita ng kanilang anak;

Hawak pala nito sa bintanang tapat –

Ay mukha ng isang artistang natanyag!

Kaya nanlulumong ako ay nanaog

Sa tahanang iyong gusto kong sumukob;

Ako ay naloko sa aking pag-irog –

Totoong pawis ko’y noon lang umagos!

Show comments