Walang iiyak kay Madam
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang ilang mga miyembro ng simbahan na maaari raw pagmulan ng gulo kung may masamang mangyari kay Madam Senyora Donya Gloria kung patuloy na hindi papayagan ng administrasyong Aquino na umalis ng bansa.
Malabong malabong mangyari ito. Hindi siya kagaya ni dating President Joseph Estrada na mahal ng masang Pilipino. Lalo namang hindi siya kagaya ng yumaong dating President Ferdinand E. Marcos na mahal na mahal ng mga Ilokano. Ultimo ang ilang Kapampangan na kaibigan ko ay galit sa kanya dahil sa mga kasalanang ginawa niya noong ilegal pa siyang naninirahan sa Malacañang.
Ang mga opisyal naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na naging “tapat” sa kanya noong mga panahong iyon ay alam kong hindi kumilos dahil sa ayaw magkaroon ng pagdanak ng dugo sa kanilang mga hanay o di kaya’y nakinabang nang husto sa mga tongpats. Ganundin ang mga pulitikong kaalyado niya noong mga panahong iyon. Katunayan, marami sa kanila ay iniwan na ang Partidong Lakas-Kampi (Palaka).
Hindi nga ho ako magtataka kung pati si Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at Senyorito Ignacio “Iggy” Arroyo ay iwan siya at pumunta sa mga bansang nakatago ang mga nakaw nila at walang extradition treaty. Pati nga anak na si Senyorito Mickey ay nagpapaalam ding umalis.
Ang mas problema ho ni President Noynoy ay kung payagan niyang umalis at maisipang manatili sa ibang bansa si Madam. Magagalit ang sambayanan na nais pagbayaran nila ang kasalanan nila. Kung dati-rati ay may awang nadarama ang bayan, sa ngayon ay poot pa rin at mananatili ito dahil sa ginawa nila. Hindi sila mapapatawad!
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o email sa [email protected]
- Latest
- Trending