Batas pairalin miski sa MILF

Nagbago na ang stand ng Malacañang sa pagma- saker ng mga separatistang Moro sa 19 na sundalo sa Basilan nu’ng Oktubre. Nu’ng una trinato itong isolated incident, ibig sabihi’y bale-wala ang pagkasawi ng 19. Tapos, kinatha ng tourism secretary na advertising man ang “all-out justice,” na pagtugis sa mga bandido sa Zamboanga. Ngayon ay “cooperate or stand aside” na, na ani Defense Sec. Voltaire Gazmin ay pagtugis kay Dan Laksaw Asnawi, na namuno na pagtambang sa 19, at pagbihag at pagtaga sa anim sa kanila sa Basilan.

Sagot naman ng Moro Islamic Liberation Front, hindi nila isusuko si Asnawi. Deputy siya ng MILF 114th Base Command sa Basilan. Nu’ng 2007 namugot ang pangkat niya ng 14 na Marines. Labag ito sa batas ng Pilipinas at ng United Nations. Hinuli siya at kinasuhan. Nu’ng 2009 itinakas siya ni Abu Sayyaf terrorist Long Malat mula sa provincial jail -- paglabag muli sa batas. Huhulihin siya ng Scout Rangers na in-ambush.

Anang MILF walang sala si Asnawi kaya hindi maa-ring hulihin. Nagmamaang-maangan sila sa proseso. Kahit sa anong bansa, miski sa mga Arabo at America na tinitingala nila, hinuhuli at pinipiit muna ang akusado ng karumaldumal na krimen habang nililitis.

Ayaw magpailalim sa batas ng Pilipinas ang MILF. Katuwiran nila ay mga rebelde sila kaya labas sila sa batas. Dahil may peace talks, anila hindi sila maaring pilitin sumunod. Pero tungkulin naman ng gobyerno na pairalin ang batas para sa kaayusan ng lipunan.

Kung hindi man sila susunod sa batas ng bansa, maaring ihabla ang MILF sa UN International Criminal Court dahil sa pagpatay sa mga bihag. Isama na rin sa habla ang pag-recruit nila ng child soldiers at paggamit ng land mines -- parehong mahigpit na ipinagbabawal ng UN.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments