Tulong

NAPAG-UUSAPAN ang pagbibigay ng pondo sa dalawang rebeldeng grupo. Isa ay ang pagbibigay ng P5-milyon sa MILF. Pangalawa ay ang pagbibigay ng P31-milyon sa Alex Boncayao Brigade(ABB), isang tumiwalag na grupo sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army(CPP-NPA). Ang mga pondo ay gagamitin para sa pagpapatibay ng kapayapaan, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga negosyo at pag-aayos ng mga komunidad ng mga dating ABB na nanumbalik na sa panig ng pamahalaan. Ang tingin ng iba ay parang suhol na hindi na magiging rebelde muli ang mga dating rebelde.

Ang mahirap, may mga naging biktima ang ABB, karamihan mga pulis. Ang kanilang pamamaraan ng rebolusyon ay pumatay talaga ng mga kalaban nila. Mga hitman ang karamihan ng ABB, kaya mga pamilya ng mga biktima ang unang nagpakita ng dismaya sa “tulong” na ito ng gobyerno. May mga bumabatikos din sa P5- milyon na binigay ng gobyerno sa MILF, para umano sa pagtataguyod ng isang paaralan para humulma ng mga pinuno sa komunidad ng MILF. Paano naman natin masisiguro na doon talaga gagamitin ang pera? May nagbabantay ba?

Dahil na rin sa ingay na nalikha ng dalawang “donas­yon”, ipinaliwanag ng administrasyong Aquino na hindi sila ang nagpasimuno sa kasunduan kundi mga nakaraang administrasyon. Si Erap daw ang sa ABB, at administrasyon daw ni Arroyo ‘yung sa MILF. Sa madaling salita, hugas-kamay, at pinatutupad lamang ang mga pinasok na kasunduan ng mga dating administrasyon. Pero puwede namang ipawalambisa ng administrasyon ang pinasok na kontrata, katulad ng pagkansela ng kontrata ng Northrail kung saan agrabiyado umano ang gobyerno. Umangal ang mga nakalagda sa mga kontratang iyan pero hindi na pinansin ng gobyerno, kahit idemanda pa raw sila. Kung ganun, bakit itong mga pinasok na kasunduan ng mga dating administrasyon na may kaugnayan sa mga rebelde ay pinatutupad? Dahil ba mga rebelde? Para wala na lang gulo? Ewan ko lang, pero hindi naman kaya may sumama ang loob, mga pulis o sundalo siguro? Hindi kaya lalong ma-demoralisado ang mga sundalo kapag ganito na nga ang pakikitukoy sa mga rebelde, mga kalaban ng bansa? Kung talagang tulong, sige. Pero hindi matanggal sa isip nang marami ang mga nabanggit na tanong.

Sang-ayon ako sa kapayapaan para sa buong bansa. Kapayapaan para sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas. Pero parang may halaga na ang kapayapaan kapag ganito. Halagang pera. Huwag naman sana.

Show comments