Editoryal - Maling landas tungo sa daang matuwid?
ANONG isip mayroon ang peace advisers ni President Noynoy Aquino at tila sa halip na landasin ang daang matuwid ay naliligaw na. Pawang negatibo ang opinion sa pamumudmod ng pondo ng gobyerno sa mga kalaban. Walang pumapayag sa ganitong balak.
Unang sumingaw ang P5-milyon para sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Mabigat agad ang sintemyento ng taumbayan sa pagbibigay ng pera sa mga rebelde. Bakit bibigyan ng pondo ang mga pumapatay sa sundalo? Bakit kailangang ang gobyerno ang mamudmod sa rebelde na wala namang kaseryosohan sa usaping pangkapayapaan. Noong Oktubre 18, patraidor na tinambangan ng mga rebelde ang mga sundalo at 19 dito ang napatay. Ang ilan sa mga sundalo ay pinagtataga pa umano. Napakasakit para sa mga naulila ng sundalo na pagkakalooban pa ng pondo ang mga mga pumatay sa kanilang kaanak. Sabi naman ng peace advisers ng Malacañang, noong panahon pa ng Arroyo administration sinimulan o nabuo ang pagbibigay ng pondo. Ipinagpapatuloy lamang ng kasalukuyang administrasyon. Pero itinatanggi naman ito ng kampo ng Arroyo administration.
Ang akala nang taumbayan ay wala nang sisingaw na isyu ukol sa pamumudmod ng pondo. Pero mas malaki pala ang nakalaang pondo sa Alex Boncayao Brigade (ABB) --- P31-milyon. Ang ABB ay humiwalay sa grupo ni Jose Ma. Sison ng Communist Party of the Philippines.
Maraming natulala sa laki ng pondo na ipagkakaloob sa ABB lalo pa’t ang grupong ito ang responsable sa pagpatay sa may 30 pulis. Inaambus nila ang mga pulis at iba pang sibilyan at tumigil lamang noong 2001 makaraang patayin ang nagtatag nito na si Felimon Lagman. Pinatay si Lagman sa UP campus.
Sabi ng peace advisers ni Aquino, noon pang taon 2000 na panahon ni dating President Joseph Estrada, ikinasa ang pagbibigay ng pondo sa ABB. Pero mariin naman itong itinanggi ni Estrada. Wala raw siyang nilalagdaan na kasunduan ukol sa pagbibigay ng P31-milyon sa ABB.
Sino ang nagsasabi ng totoo? Nalilito ang taumbayan sa mga hakbang ng Aquino administration na pamumudmod ng pondo. Mas mabuti kung rerebyuhin ang kasunduang ito. O kaya ay kilatisin ni Aquino ang kanyang advisers at baka mali ang landas na tinatahak --- hindi daang matuwid.
- Latest
- Trending