Undas na naman. Magtitipon-tipon na naman kaming magkakapatid sa puntod ng aming mga magulang. Pitong taon na rin silang yumao at kasama na ang Panginoon. Marami na rin ang nangyari sa aming magkakapatid nang mawala na silang dalawa. Ako kinasal, ‘yung panganay na anak ng kuya ko, dalawang taon nang may trabaho, ‘yung isang kapatid ko, nagkaanak na. Mabuti na rin at may Undas para maalala sila, gunitain ang mga masasayang panahon namin, hanggang sa magsama-sama kaming lahat muli.
Pero kapansin-pansin na rin ang pagiging komersyo ng Undas, o “Halloween” kung tawagin. Lahat ng mga mall at tindahan kung saan-saan ay nagde-decorate ng mga nakakatakot na bagay at tauhan, para napapanahon. Mga multo, bampira, aswang, halimaw at lahat ng klaseng nakakatakot na hugis ng tao o hayop, kasama na mga ahas, paniki at gagamba. Parang balewala na ang mga ganyang nakakatakot na bagay. At dahil laganap na rin ang ganyang mga dekorasyon sa lahat ng lugar kapag Undas, sa tingin ko hindi na madaling matakot ang kabataan ngayon, kasi nasasanay na.
Natatandaan ko nung bata pa kami ng mga kapatid ko, takot na takot kami kapag Undas, dahil na rin sa mga kuwentong multo na naririnig namin mula sa mga kaibigan, kamag-anak, pati na kasambahay! Takot na takot kami sa mga bampira, manananggal, aswang, kapre — kaya hindi kami lumalapit sa mga punong malalaki — at zombie! Noong araw, ang mga bampira ay nakakatakot talaga dahil sa mga sine ni Christopher Lee na palaging bam- pira! Ngayon, guwapo na mga bampira, nakakalabas na sa araw at mapapaibig ka pa! Ang kapre tinatawanan na lang, ang manananggal ay walang kakuwenta-kuwenta at ang zombie pang target practice na lang ng baril! At tuwing Undas, imbis na matulog na katabi ang mga magulang ay lumalabas pa at inuumaga na ang uwi dahil sa mga party!
Iba na talaga ang panahon ngayon. Wala namang masama riyan, pero para sa mga may yumao nang mga kamag-anak o mahal sa buhay, huwag lang kakalimutan ang tunay na diwa ng Undas. Ang paggunita sa mga nauna na sa atin. Huwag kalimutang dumalaw sa kanilang kinalalagyan at ipagdasal, na sa kanilang pamamaraan, ay gabayan pa rin tayo sa buhay na ito.
Kundi, baka sila ang dumalaw sa atin. Sigurado ako, kahit walang mga pangil o nakakatakot na make-up, hihimatayin pa rin ang sinuman!