EDITORYAL - Marami pa rin ang nagugutom
Marami pa rin ang nagrerebolusyon ang bitu-ka dahil sa gutom. Marami pa rin ang umaasa at nakalahad ang kamay para umamot ng baryang pambili ng pagkain.
Sa pinaka-huling survey ng Social Weather Stations (SWS) nadagdagan umano ng 1.3 mil-yong pamilyang Pilipino ang nagugutom. Ang survey ay ginawa mula Hunyo hanggang Setyembre.
Hindi na nakapagtataka ang survey na ito sapagkat lahat naman ng survey ay nagsasabing may nagugutom. Walang resulta ng survey na nagsabing walang nagugutom na Pilipino. Pawang negatibo ang resulta na para bang hilahod na sa hirap ang mga Pilipino. Ang nakapagtataka, maraming nagsasabi na hindi naman sila natatanong ng kahit anong survey group ukol sa nararanasang gutom. Kahit minsan daw ay hindi sila na-survey.
Totoo na may nagugutom na Pilipino pero hindi naman siguro milyon kagaya ng inilabas ng SWS. Kung 1.3 milyon ang nagugutom na Pinoy, nakakaalarma na ito sapagkat parang pinalalabas na walang nagagawa ang gobyernong Aquino sa mamamayan. Hindi rin tutugma sa sinasabi ng DSWD na namo-monitor nila ang mahihirap na pamilya at nabibigyan ng sapat na tulong. Hindi rin tutugma sa sinasabi ng Department of Agriculture na sapat ang pagkain at walang daranasing kakapusan lalo sa bigas. Ibig sabihin, walang dapat ikaalarma kung ang pagkain ang pag-uusapan.
Ganunman, hindi naman dapat iwalambahala ng pamahalaan ang survey at dagdagan pa ang pagbibigay ng tulong lalo ang pag-create ng mga trabaho para matiyak na magkakaroon ng pagkain sa hapag ng bawat pamilya. Kung mabibigyan ng trabaho, baka wala nang “gutom” na irereport ang anumang survey group.
Ipaunawa rin ang kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya. Kung makokontrol ang pagdami ng populasyon, mababawasan ang nagugutom.
- Latest
- Trending