Mautak si Mister
MAG-ASAWA sina Serafin at Margarita. Nakamana si Serafin ng isang parselang lupa. Ibinenta niya ang lupa pero nabili niya itong muli dahil iyon ang nakasulat sa kontrata. Namatay si Serafin at naiwan sa anak niyang babae ang lupa. Dalawang taon ang lumipas, namatay ang anak niya at naiwan si Margarita bilang tagapagmana ng anak. Siya ang nakakuha ng karapatan at posesyon sa lupa. Hindi nagtagal, nag-asawa muli si Margarita kay Martin. Mula umpisa, magulo na ang pag-aasawa ni Margarita kay Martin. Halata na ang habol ni Martin ay ang lupang minana ni Margarita.
Nakumpirma ito sa pamamagitan ng ibang tao, si Andres na kinukuwestiyon ang karapatan at pagmamay-ari ni Margarita sa lupa. Ayon kay Andres siya daw ang tunay na may-ari ng lupa. Ibinenta raw ito sa kanya ng unang asawa ni Margarita na si Serafin. Ayon pa kay Andres, nakaposesyon daw si Margarita sa lupa hindi dahil minana niya ito kundi dahil ibinenta lang sa kanya ang karapatan sa lupa ng isang babaing nagngangalang Loreta Garcia na unang binentahan ni Andres ng lupa pero sa kundisyong puwede rin niya itong bilhin muli. Nabili na raw niya ulit ang lupa kay Loreta Garcia at ang babae naman ay nagbayad na kay Margarita sa pamamagitan ng kanyang asawang si Martin na nakatanggap ng pera. Kinumpirma ni Martin na natanggap niya ang pera. Maliban sa kompirmasyong ito, walang anumang dokumento na maipakita si Andres na totoong ibinenta sa kanya ang lupa bago ito minana ni Margarita. Puwede nga ba na makuha ni Andres ang lupa sa pamamagitan ng pag-amin ni Martin at madadamay ba ang asawa nitong si Margarita upang makuha ni Andres ang lupa?
HINDI. Kung anuman ang napagkasunduan ng ibang tao at ang mister ng may-ari ng lupa, hindi madadamay dito ang walang kamalay-malay na misis. Kahit nagpanggap pa ang taong iyon na nakuha niya ang karapatan nang walang pakikialam ng babae, hindi magagawa ng kanyang mister na mautakan ang kanyang misis at basta ibenta ang ari-arian ng asawa nang walang pahintulot, lalo, at ito ay minana pa ng babae at solo nitong pagmamay-ari (Vargas v. Egamino, 12 Phil. 56; Mead vs. Smith, 18 Phil. 320).
- Latest
- Trending