^

PSN Opinyon

Ginahasa sa galit (?) (Huling bahagi)

- Tony Calvento -

“SAAN ka galing? Saan mo dinala ang pera? Bakit mo kinuha ang benta ng kalabaw?”

Hindi sumagot si Susie. Sa sobrang galit ni Roberto ilang ulit niyang sinampal ang pamangkin. Lulusubin pa niya ito…

“Tama na yan anak… Baka sa huli ikaw pa ang kasuhan niyan!” pag-awat ng amang si Rogelio.

Nung Miyerkules isinulat ko sa aking pitak ang tungkol sa isang lalakeng si Roberto Lamason kinasuhan ng kasong ‘rape’ ng mismong pamangkin na tinago namin sa pangalang “Susie”, 21 taong gulang.

Pinagtabuyan na si Susie ng kanyang tinuring na pamilya. Inayawan na siya ng lolang si Pedrina maging ni Roberto. Nanatili siya sa isang kubo sa bukid malapit sa bahay ng tiyuhing si Renato.

“Bantayan mo Toto ang pinsan mo. Kahit saan siya pumunta buntutan mo! Baka kung ano na naman ang gawin niyan,” utos nila Roberto kay Toto.

Napansin na lang ni Toto na laging inaantok at nagduduwal si Susie. Sinumbong niya ito sa amang si Renato at tiyuhing si Roberto. Hindi na lang nila pinansin ito.

Ika-7 ng Abril 2010, nagpaalam si Susie kay Roberto na pupunta sa bahay ng boyfriend na si Ronilo Javier sa Rumirang, Negros.

“Tito… punta ko kina Ronilo kukunin ko na lahat ng gamit ko.”

Pinayagan siya ng mga tiyuhin. Kasama ang asawa ni Renato na si “Beth” at si Toto pumunta sila sa Rumirang. Pagdating dun hindi pinapasok ang mag-ina at drayber na si Hermin. Tanging si Susie lang.

Dalawang oras naghintay sina Beth sa labas. Lumabas ang ina ni Ronilo na si Leticia na noo’y bihis na bihis. Pagbalik may kasama na itong tanod at isang babae. Pinapasok sina Beth sa sala habang nag-usap naman sa kusina sina Susie.     

Matapos mag-usap magkasabay silang lumabas. Ang akala ni Beth mamanhikan na itong sina Leticia.

“Oh… Susie akala ko ba mag-aaral ka pa? Eh mamanhikan na pala itong biyenan mo,” biro ni Beth.

Pagdating sa kalsada pauwi, bigla na lang kumaliwa ang tricycle. Diretso sila sa Negros Occidental Police Provincial Office. Inutusan na pala ng mga tanod itong drayber na dalhin sila sa pulisya.“Bakit po tayo nandito?” tanong ni Beth. Sagot sa kanya, “May nagkaso sa bayaw mong si Roberto… kasong rape!”.

Naiwan sa presinto si Beth. Naglakad naman pauwi si Toto. Hindi pa nakakarating sa bahay si Toto, nauna na ang mga pulis sa bahay ni Roberto.

Hinuli si Roberto. Hinalughog rin ang kanyang bahay. May dala kasing bala ng baril itong si Susie kaya’t hinanapan nila ng baril itong tiyuhin.

Wala daw nakitang baril subalit arestado pa rin siya. Pagdating sa presinto tinuro siya ni Susie na siyang nanggahasa sa kanya.

Base sa salaysay ni Susie:

“Marso 30, 2010, bandang alas-4:00 ng hapon habang ako ay nakaupo sa loob ng bahay ni Renato kinumpronta ako ni Roberto kung bakit ako tumitira sa bahay ng aking boyfriend. Pinagsusuntok niya ako, hinila ang aking buhok at pinilit papasukin sa loob ng bahay. Binuhat niya ko at dinala sa kwarto at pilit pinahiga sa sahig.

Hinubad niya ang aking ‘short’ at ‘panty’. Naghubad rin siya ng pantalon at ‘brief’. Sinubukan kong manlaban subalit mas malakas siya sa akin. Sinubukan kong sumigaw subalit may tinutok siyang baril sa ulo ko.

Umibabaw siya sa akin at pinasok niya ang kanya ari sa aking ari. Tinakot ako ni Roberto na kapag nagsumbong ako papatayin niya ako.

Naulit daw ang panggagahasa kinabukasan, 12:00 ng tanghali sa loob rin ng kwarto. Umulit nung kinaumagahan ng Abril 1, 2010. Nung ika-2 ng Abril 2010 habang siya’y natutulog at nung ika-3 hanggang ika-6 ng Abril.

Lahat ng ito tinatanggi ni Roberto. Giit niya imposibleng gahasain niya si Susie sa bahay ng kapatid dahil maraming tao run.

Huwebes Santo, Biyernes Santo at Sabado de Gloria rin daw ng sabihin ni Susie na siya’y ginahasa. Hindi daw siya bumaba ng bundok.                

May malaking ‘station of the cross’ daw sa tutok ng bundok na kanyang sinasakahan at sa tuwing mahal na araw ay maraming turistang pumapasyal dito.

“Hindi ko pwedeng iwan ng kapatid ko ang sakahan. Ma­daming dumadaang tao nung mga panahong iyon,” sabi ni Rose, kapatid ni Roberto.

Sa katunayan daw nakipaglibing pa siya nung petsang sinasabi ng kanyang pamangkin na ni-rape siya. Hindi rin daw basta-basta bumaba sa bundok. Kailangan niya pang mangabayo.

“Hindi ko ginalaw yan. Kung gusto niyo ipa-test mo ako. Kunan mo ko ng sperm cell. Para patunayan ko sa’yo kung sino ang totoong gumalaw kay Susie,” paghahamon ni Roberto.

Dalawang taon ng nakakulong si Roberto sa Isabela Municipal Jail, Negros Occidental sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Patuloy pa rin ang pagdinig ng kaso sa Korte.  

Sa ngayon may anak na itong si Susie sa kanya daw boyfriend na si Ronilo. Nanganak siya anim na buwan makalipas ang panggagahasa.

“Paano siyang gagahasain ng kapatid ko? Pinalaki siya ni kuya. Pinag-aral tapus ganun pa? Inunahan niya lang magdemanda dahil alam niyang irereklamo namin siya sa pagtangay niya ng benta ng kalabaw,” sabi ni Rose.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Roberto.

Kami ay nakipag-ugnayan sa Department of Justice Action Center (DOJAC) para malaman kung ano na ang tinakbo ng kasong ito.

Hihilingin din namin mula Public Attorney na may hawak ng kasong ito na mag-file ng ‘motion for speedy trial’ para ang akusado kung walang kasalanan ay mapawalan. Kung makitaan naman siya ng kagalang-galang na hukom na siya’y nagkasala ng walang kadudaduda dapat mabigyan ng hustisya ang biktima.

Isa rin malinaw sa kasong ito na ang batang si Susie ng hindi makakuha ng tulong sa kanyang mga kapamilya kinailangang lapitan niya ang mga opisyal ng barangay at ang ina ng kanyang boyfriend para humingi ng saklolo. Nasisiguro ko ito’y bibigyang diin din ng ating hukuman.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Biyernes.

* * *

Email address: [email protected]

vuukle comment

ABRIL

BAHAY

NIYA

ROBERTO

SIYA

SUSIE

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with