Napakadali sanang mag-react sa massacre ng sundalo sa Basilan. Mapikon at ibuhos ang galit sa MILF. Sa mga tagamasid, ito ang pinakamadaling solusyon sa sambayanang nanggagalaiti. Wala nang mas epektibong argumento kaysa sa putok ng kanyon at dagundong ng bomba.
Hindi masisisi ang ibang lider kung magpadala sa ganitong “kailangan pa bang i-memorize yan” na solusyon. Pero ibahin n’yo si PNoy. Hindi ito nagpadalus-dalos. Sa kanyang pananaw, higit na mahalaga ang kabuuang proseso. Bibilib ka rin sa kanyang paninindigan – aba, mahirap yata pangatawanan ang isang posisyong sinusuka ng mayorya. Subalit sulong pa rin si PNoy dahil hindi siya handang isuko ang pinapangarap na kapayapaan.
Kaya NO sa all-out war (except sa mga Arroyo) at YES sa all-out justice. Translation: Hindi natin dadaanin sa lakas; hindi tayo makakalimot sa sarili. Uunawain ang nangyari.
Ok din naman ang ganitong pustura. Kung tutuusin, marami rin ang tanong na kailangan sagutin ng mga commanding officers. Bakit ipinagsapalaran ang mga walang karanasang sundalo sa pugad ng mga rebelde nang walang suporta at kulang sa intelligence? Ang sagot sa mga katanungang gaya nito ang hinihintay upang maremedyuhan ang mga kapalpakan sa sistema.
Kaya nga lang, biglaan namang pinabomba ang Zamboanga Sibugay. Dito makikita kung bakit hindi laging tama ang pinakasikat na alternatibo. Mismong si Commission on Human Rights Chair Etta Rosales ang nanawagan na itigil ang pagbobomba dahil sa mga inosenteng sibilyan (19,000 katao) na naapektuhan.
Hindi maiwasang magkaroon ng debate sa kung anong kailangang gawin ng isang lider kapag naiisahan na ito ng kalaban. Laging kaaya-aya ang agresibong pamamaraan ng paghiganti. Pero gaya ni PNoy, may bentahe din ang teka-teka. Dahil wala talagang nagwawagi kapag giyera ang pinag-uusapan. Sapagkat sa isang giyera, ang iyong katunggali sa una ay hindi na ang kaaway mo sa huli. Sa isang all out war, walang panalo at lahat talo. Ang magiging kalaban ng lahat ay ang giyera mismo.