'All-out war' sa MILF

NANAWAGAN ang aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kay President Noynoy Aquino na magdeklara na ito ng “all-out war” sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ito ay dahil sa panibagong serye ng mga pag-atake ng MILF sa mga sundalo, pulis at sibilyan sa ilang lugar sa Mindanao.

Noong nakaraang Martes, 19 na sundalo sa Al-Barka, Basilan ang napatay ng MILF sa pamumuno ni Commander Dan Asnawi. Sumalakay muli ang MILF sa Sibugay, Zamboanga noong Biyernes at apat na sundalo at tatlong pulis naman ang kanilang pinatay. Kasunod nito, napaulat na limang sibilyan at dalawang sundalo pa ang napatay din sa mga pag-ambush ng MILF sa Basilan at Lanao del Norte.

Ayon kay Jinggoy, binabalewala lang ng MILF ang mga hakbangin ng pamahalaan sa peace process pati ang ginawa mismong pakikipag-usap ni President Aquino kay MILF chairman Murad Ibrahim noong nakaraang Agosto sa Japan.

Dahil aniya sa mga kaguluhan ay hindi naisusulong nang ganap ang mga programang pangkaunlaran sa Mindanao, kaya nananatiling naghihirap ang mga mamamayan doon sa kabila ng malawak na likas na yaman. Kaugnay nito, binatikos ni Jinggoy si Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Teresita “Ging” Quintos-Deles dahil sa pagiging “too insensitive” aniya nito sa naturang mga pangyayari at sa pagsasabi pa ng kalihim na “isolated case” lang ang pag-atake ng MILF.

Inirekomenda ni Jinggoy kay President Aquino na suspendihin nito ang ceasefire at ideklara ang “all-out-war” sa MILF upang mabigyang-hustisya ang mga napatay at maisulong na ang matagal nang inaasam na katahimikan at kaunlaran sa Mindanao.

Kung seryoso naman aniya ang MILF sa peace process ay dapat nitong ibaba ang kanilang mga armas at isurender si Asnawi at iba pang responsable sa pagpatay.

* * *

Happy birthday kay Albay Governor Joey Salceda (October 26) at Sen. Alan Peter Caye­tano (Oct. 28).

Show comments