May mas malala pa ba sa ganito?

PAGDAAN ng ama sa kama ng binatilyong anak, napansin niyang ayos na ayos ito. May sobre sa gitna. “Tatay,” nakasulat dito. Kabado sa kung ano’g nilalaman, nanginginig ang ama nang basahin ang liham:

“Mahal Kong Tatay, labis akong nalulungkot sa pagsulat nito. Kinailangan kong itanan ang bago kong kasintahan para iwasan ang magulong eksena kay Nanay at sa iyo. Kakaibang kaligayahan ang nadarama ko sa piling ni Sandra. Ito’y bagamat naghihikaw siya sa pisngi at labi, puro tattoo ang kanyang braso at likod, at mahilig siya magsuot ng masisikip na damit pang-motorsiklo.

“Espesyal ang pagtrato ni Sandra sa akin. Mapagbigay siya. Buntis siya; aniya magiging maligaya kami. Alam kong isyu sa inyo na hamak siyang mas matanda. Pero meron na siyang kubo sa gilid ng sementeryo, at doon muna kami titira hanggang manganak siya. Ngayon pa lang nangangarap na kaming magkaroon ng marami pang anak.

“Itinuro sa akin ni Sandra na hindi naman pala masama ang alak, basta ilalagay lang sa tiyan at hindi sa ulo. Malimit pumasyal sa kubo ang barkada niya. Sumisinghot sila ng kung anong pulbos; masasaya.

“Huwag ka mag-alala, Tatay, 16-anyos na ako, at marunong nang mag-alaga sa sarili. Balang araw, tiyak ko, bibisita kami sa inyo. Nagmamahal, Jun-jun.”

Hindi alam ng ama kung magmumura o iiyak. Tapos, binasa niya ang PS (postscript): “Tatay, walang totoo sa mga isinulat ko. Narito ako sa kapitbahay. Ipinapaalala ko lang sa inyo na may mas malalala pang bagay sa mundo kaysa mabababang grades sa report card ko, na nasa mesa sa kainan. Ipatawag n’yo po ako kung okey na akong umuwi.” (Halaw sa Intermet)

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments