'Nakarnapan na, sinisi pa!' (Sofitel)
ANG House Bill 20-47 o Parking Liability Act.
Isang panukalang batas na isinulong sa Kongreso ni Representative Irwin Tieng ng Buhay Partylist.
Layunin nitong bigyan ng kaparusahan ang mga par-king operators na ayaw managot sa mga nawawalang sasakyan sa loob mismo ng kanilang parking lot.
Isa ang BITAG sa mahigpit na sumusuporta sa batas na ito dahil sa dami ng mga biktimang lumapit na sa amin na nawalan ng sasakyan sa loob mismo ng mga paid parking lot, sigurado ang BITAG na marami-raming establisyimento ang mananagot.
Matatandaan na nailathala sa kolum na ito ang mga empleyado ng isang kilalang hotel sa Parañaque na lumapit sa BITAG upang magreklamo. Sila mismong mga empleyado, nakarnapan sa parking lot ng Sofitel.
Dalawa lamang ang naglakas ng loob na ilaban ang kanilang kaso subalit ang insidente ng pangangarnap ay higit sa apat na.
Piniling manahimik ng ibang empleyado na magsumbong sa pagkawala ng kanilang motorsiklo dahil sa takot na mawalan sila ng trabaho. Hanggang sa nag-resign na lamang ang ilan sa mga biktima, hindi nasolusyunan ang problemang ito.
Ang huling nabiktima ng mga karnaper sa parking lot ng Sofitel, taong 2010 pa naganap. Iniwan niya ang kanyang motor sa parking lot ng Sofitel kung saan siya mismo nagtatrabaho.
Tulad ng nakagawian, iniiwan ang susi at lisensiya ng driver sa mga guwardiya na nakatalaga sa parking lot kapalit ng isang stub number. Ito’y bilang patunay na ikaw ang may-ari ng sasakyang ipinarada dito.
Pagkalabas galing sa trabaho, ang kanyang motor na ipinarada, wala na! Ang mga hunghang na mga security guard ng parking lot, walang kamalay-malay na nakarnapan na sila sa kanilang binabantayan.
Ang mga kolokoy na security ng Metro Parking na namamahala sa parking lot ng Sofitel, sinisi pa ang pobreng empleyadong nawalan gayung hawak pa nito ang stub at nasa security naman ang susi ng kanyang motorsiklo.
Sinubukang ipaabot ng biktima ang nangyaring karnapan sa pamunuan ng Sofitel subalit walang nangyari sa loob ng isang taong paghihintay.
Nang kunin ng BITAG ang panig ng Sofitel, sa text lamang sumagot ang mga ito.
Ayon sa kanilang public relation officer, kasalanan ng biktima kung bakit nakarnap ang kanyang sasakyan dahil hindi niya raw ito pinarada ng maayos at hindi pinadlakan kahit na nasa loob pa ito ng kanilang parking lot nakaparada.
Ang hagupit ng BITAG sa Sofitel at sa Metro Parking, abangan!
- Latest
- Trending