NANGWAWASAK ang panahon ng simple o grandeng plano. Binulabog ng dalawang bagyo sa Luzon ang sana’y tahimik na piling ng pamilya ni Agriculture Sec. Proceso Alcala. Mas grabe, ginulo nito ang plano niyang self-sufficiency sa bigas simula sa taong 2013. Sa unang ulat pa lang, 103,000 toneladang palay ang winasak ng Typhoon Pedring. Saka sumunod ang limang araw na baha sa Bulacan, Pampanga at Tarlac, sa Central Luzon rice region. Tapos, hinagupit naman ng Typhoon Quiel ang Cagayan at Isabela, sa bagong Valley rice granary. Baka maudlot ang planong rice self-sufficiency.
Maaring sablay ang plano simula’t sapul. Anang congressional Task Force on Rice and Other Staples, imposibleng maging sapat ang ani ng palay simula 2013. Posible pa raw sa 2016, ang huling taon ng pagka-Pangulo ni Noynoy Aquino, pero ambisyoso pa rin ito. Masyadong matayog raw ang planong self-sufficiency sa pamamagitan ng dagdag ng sakahan at ani, pananatili ng kasalukuyang konsumo ng kanin, at paglipat sa ibang cereals. Ang hepe ng task force ay si Dr. Emil Javier, dating science minister at chancellor ng U.P.-Los Baños.
Sinuri ng task force ang mga naunang rice self-sufficiency programs mula pa nu’ng Panguluhan ni Quezon nu’ng dekada-30. Tatlong taon lang nu’ng panahon ni Marcos, dekada-70, na naging sapat ang ani. At ‘yun ay dahil binuhos ng gobyernong martial law ang tulong sa abono, pamatay peste, pambodega, at pambilad, at pagbili ng ani ng magsasaka. Ngayon, sakal na sa pondo ang National Food Authority, miski inaasahan itong bumili ng palay sa mataas na presyo at magbenta ng bigas na mura. Huwag sana kapusin ang 820,000 toneladang in-import ng NFA para sa taong ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com